HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na magpatupad ng mga upskilling programs bilang bahagi ng medium-to-long-term policy response ng pamahalaan para sa reintegration ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Bahagi ang naturang panukala ng preliminary report ng Senate PROTECT Committee para sa mga OFWs na inilikas mula sa Gitnang Silangan.
Iminumungkahi ng senador ang pagpapalawak sa reskilling and upskilling programs para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho.
Sa ilalim ng 2026 national budget, P8 bilyon sa pondo ng TESDA ang inilaan para sa Training for Work Scholarship Program, samantalang P3.7 bilyon naman ang inilaan para sa Special Training for Employment Program.
Inaasahang makakatulong ang mga naturang programa sa mga OFWs na makahanap ng trabaho at iba pang mga oportunidad sa kanilang reintegration.
Batay sa pagsusuri ng senador, maaaring umakyat ang bilang ng mga walang trabaho at mga underemployed kung umabot ng 90 araw ang tunggalian sa Gitnang Silangan.
Saklaw ng naturang pagsusuri ang limang apektadong bansa, kabilang ang Saudi Arabia, Qatar, at ang UAE, kung saan matatagpuan ang pinakamalaking bilang ng mga land-based OFWs batay sa datos noong 2025.
“Tiyakin nating handa ang ating OFWs sa mga bagong oportunidad sa bansa upang mabigyan sila ng mas matibay na pag-asa sa buhay,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng PROTECT Committee.
Nakasaad din sa panukalang reintegration framework ang mapping ng skills sa domestic labor market demands, targeted job placement programs, at access sa abot-kayang financing.
(Dang Samson-Garcia)
64 