China nambarako na naman NAKASISILAW NOON, NAKABIBINGI NGAYON

KUNG noon ay gumagamit ang China Coast Guard ng nakabubulag na military type laser beam, ngayon naman ay gumamit naman sila ng nakabibinging ingay para lamang balasubasin ang mga tauhan ng mga sasakyang dagat ng Pilipinas na nagpapatrulya sa nasasakupan ng Exclusive Economic Zone ng bansa.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard, sa kauna-unahang pagkakataon ay gumamit ang China ng Long Range Acoustic Device (LRAD) para lamang i-harass ang mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon sa PCG, karaniwan kasing gumagamit ang China ng water cannons at delikadong maneuvers para takutin ang mga barko ng Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ni PCG spokesperson for the West Phil Sea Commodore Jay Tarriela, gumamit ang China ng Long Range Acoustic Device (LRAD) na isang specialized loudspeakers na maaaring maglabas ng malakas o high decibels sounds na maaaring maging sanhi ng pinsala sa eardrums o kaya ay permanenteng pagkawala ng pandinig.

Partikular na tinukoy ni Tarriela, ang China Coast Guard vessel na may hull number 3103 ang gumamit ng LRAD para i-harass ang BRP Cabra (MRRV-4409) upang pigilan ang paglapit nito.

Ayon kay Tarriela, pinalitan ng CCG-3103 ang CCG-3304 upang ilegal na magpatrulya sa bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa kabila ng pangha-harass ng China Coast Guard, hindi nagpatinag dito ang BRP Cabra ng PCG.

Patuloy ang ginagawang hakbang ng BRP Cabra para maiwasan ang pagpasok China Coast Guard sa coastline ng Zambales.

Patuloy rin ang pagbibigay ng radio challenge ng PCG sa CCG at sinabing ang kanilang presensya ay labag sa Philippine Maritime Zones Act, at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Una rito, hinaras din at ginawan ng dangerous maneuver ng CCG ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga miyembro ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), habang patungo sa Sandy Cay 2 at 3 Islands sa West Philippine Sea.

Sa ginanap na News Forum, sinabi ni Commodore Tarriela, tatlong barko ng China Coast Guard ang nagsagawa ng dangerous maneuvers o delikadong maneobra, ngunit nakaiwas sa banggaan ang barko ng Pilipinas.

Paliwanag pa ni Tarriela, bukod sa mga barko ng China Coast Guard, ang helicopter ng China ay nagsagawa ng intensyonal na low altitude flying o napakababang paglipad na posibleng maglagay sa kapahamakan ng mga tauhan ng PCG at BFAR na lulan ng inflatable rigid hull boat na magsasagawa sana ng scientific research o sand sampling sa Sandy Cay 3, na hinabol din ng apat na iba pang speedboat ng China. (JESSE KABEL RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment