Malakanyang todo-iwas KONGRESO IDINIIN SA ‘BLANK’ BICAM REPORT

(CHRISTIAN DALE)

TILA isinalba ng Malakanyang ang sarili nang sabihing hindi ito responsable at wala itong pananagutan sa sinasabing “blank” entries sa 2025 national budget.

Hinamon kasi ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang Malakanyang na dalhin sa Korte Suprema ang usapin sa sinasabing blank items sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

Bilang tugon, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa press briefing sa Philippine International Convention Center sa Pasay City na ginagalang niya si Ungab at iba pang personalidad na may planong dalhin ang usapin sa Korte Suprema.

Giit ni Bersamin, walang kinalaman ang executive branch sa ‘di umano’y blank items sa bicameral conference committee report sa 2025 budget.

“Ang problema natin diyan is hindi kami ang mananagot diyan kung meron mang pagkukulang kasi bicam report iyan. Wala kaming kinalaman sa bicam report. Ang may kinalaman lang kami ay ‘yung finished product na pinirmahan ng Presidente,” ayon kay Bersamin.

“Alisin natin sa consciousness na kami’y may kinalaman sa mga blank page na sinasabi ninyo,” aniya pa rin.

Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, dumalo rin sa kumperensiya, na hindi nagawang makita ng executive branch ang bicameral report ukol sa 2025 national budget na naglalaman ng di umano’y blank items.

Sa isang podcast video na naka-post sa YouTube account ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, dating pangulong Rodrigo Duterte at Ungab, sinasabing may 13 pahina sa national budget ang may kasamang ‘blank appropriations.’

At nang tanungin si Bersamin hinggil sa posibleng implikasyon ng lumutang na legal constitutional challenges sa 2025 budget, sinabi ni Bersamin na ito’y “speculative” para magbigay ng komento, hanggang sa makita ng Malakanyang ang aktwal na reklamo na ihahain sa Korte Suprema.

Winika ni Bersamin na “very wrong” para sisihin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tanging ang Kongreso aniya ang makasasagot sa naturang paratang.

“Gusto kong malaman ng taumbayan na wala kaming kinalaman diyan. Tanungin niyo ‘yung mga congressmen, yung mga senator. And that is all we can say at this point,” ang tinuran ni Bersamin.

70

Related posts

Leave a Comment