CHINESE ARESTADO SA ‘WIFE/GIRLFRIEND FOR RENT’

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Anti-Fraud Division (NBI-AFD) ang isang Chinese national na sangkot  umano sa “wife or girlfriend  for rent ” modus, sa entrapment operation sa Parañaque City.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, ang suspek na si Zhang Yang Ming, alyas “Mike”.

Ang operasyon ay ikinasa ng NBI matapos na makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y human trafficking na isinasagawa ng local recruitment company na Interpreta Communication Services sa Parañaque City.

Ayon sa nagreklamo ng tatlong Filipina, nag-apply sila ng trabaho bilang receptionist sa isang Chinese-owned KTVs and restaurants ngunit inalok sila bilang “wife of girlfriend for rent” sa mga kliyente ng Chinese.

Bunsod nito, isang Chinese na umaktong poseur customer ang pumunta sa tanggapan ng Interpreta Communication kung saan dalawang Chinese national na kinilalang sina Ming, assistant manager, at CI KE, manager, ang nagpakita ng mga larawan ng mga babae at sinabing ang mga ito ay maaari umanong rentahan para sa maiksi o mas mahabang araw bilang personal assistant na gagawa ng tabaho bilang isang girlfriend o asawa kasama na ang “unlimited sex”.

Nang makumpirma na ang kumpanya ay sangkot sa human trafficking, ikinasa ng mga ahente ng NBI-AFD noong Marso 17 ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nalaman na pini-presyuhan ng P100,000 para sa 30 araw na serbisyo ng “wife or girlfriend for rent” ang mga kliyente at may ipinakita pa si Ming ng sample ng service contract, nakasaad ang mga obligasyon ng babae kanilang rerentahan.

Kabilang sa kontrata na kung magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng isa o tatlong araw, babayaran lamang ang babae ng P25,000, at sa loob ng 15 araw ay babayaran lamang ang babae ng P50,000.

Nagdala umano ng tatlong babae sa kanyang opisina si Ming at nang ibigay na ng poseur customer ang marked money ay inaresto ito ng mga ahente ng NBI.

Depensa naman ng mga babae, sila ay mga aplikante lamang bilang mga receptionist at walang ideya na parerentahan sila bilang asawa o girlfriend.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 4 (e) ng RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 as amended by RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 si Ming.

Kasamang kinasuhan si CI KE na nakatakas, at isang Melanie Reyes Mancenido. (RENE CRISOSTOMO)

231

Related posts

Leave a Comment