NAIS ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na i-ban na sa pagnenegosyo sa bansa ang Xuzhou Construction Machinery Group dahil sa kabiguang magbayad ng income tax at iba pang obligasyon.
Ito ay nang matuklasan ni Drilon na sa nakuhang kontrata ng kumpanya na nagkakahalaga ng P2.23 bilyon mula sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ay hindi ito nagbayad ng income taxes.
Iginiit ni Drilon na dapat hindi na bayaran pa ng gobyerno ang anumang balanse pa sa kumpanya.
Kasabay nito, nanawagan si Drilon sa Bureau of Internal Revenue na imbestigahan ang kumpanya at pagbayarin sa kanilang pagkakautang.
Ipinaalala ng senador na alinsunod sa Section 22H ng NIRC, ang “resident foreign corporation” ay tumutukoy sa foreign corporation na nagsasagawa ng negosyo sa bansa.
Ang Xuzhou ay resident foreign corporation at ang country representative nito na si Robin Han ay umamin na hindi sila nagbabayad ng buwis sa Pilipinas dahil sa China sila nagbabayad.
Inamin din ng Xuzhou na hindi sila rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) gayundin sa Bureau of Customs.
Ang kumpanya ang isa sa mga naging supplier ng DBM ng medical supplies. (DANG SAMSON- GARCIA)
216 