‘CHISMIS’ SA PAGBIBITIW NI MAGALONG KINONDENA NI GOITIA

PINABULAANAN ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang pahayag ni Ka Eric Celiz na nagbitiw si Mayor Benjamin Magalong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil umano sa panggigipit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Goitia, walang katotohanan ang alegasyon at malinaw na si Magalong mismo ang nagpaliwanag na nagbitiw siya upang pangalagaan ang integridad ng pamahalaan laban sa korupsyon.

“Ang bersyon ni Ka Eric na may utos ang Pangulo na itigil ang imbestigasyon o kaya’y tumanggi si Magalong na makipagpulong sa Malacañang ay walang basehan,” ani Goitia.

Dagdag pa nito, kilala na si Celiz sa paulit-ulit na pagpapakalat ng mga kuwentong walang pruweba. “Hindi siya whistleblower kundi imbentor ng mga kuwento,” giit ni Goitia.

Binatikos din nito ang pagsasangkot ng militar sa isyu, aniya’y iresponsable at nakasisira sa tiwala ng publiko. “Iisa lang ang tungkulin ng ating mga sundalo—ang ipagtanggol ang Republika sa ilalim ng sibilyang pamumuno,” dagdag pa niya.

Nilinaw rin ni Goitia na bagama’t may kalayaan sa pananalita, hindi ito dapat gamitin para magpakalat ng maling impormasyon.

Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

(JULIET PACOT)

161

Related posts

Leave a Comment