CHIZ SA PROSEC AT DEFENSE PANEL SA IMPEACHMENT: TIYAKING HANDA KAYO!

PINAYUHAN ni Senate President Francis Chiz Escudero ang prosecutor at defense panels sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na pag-aralang mabuti ang kanilang kaso at tiyaking handa sila sa pagsisimula ng trial.

Sinabi ni Escudero na sa halip na mag-aksaya ng panahon ang magkabilang panig sa iba’t ibang isyu, dapat pagtuunan nila ng pansin ang paghahanda sa kanilang mga isusumiteng pleadings sa impeachment court.

Babala ng senate leader na sa sandaling magsimula na ang impeachment trial ay hindi nila ikukonsidera ang anumang hiling na palawigin ang mga deadline sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.

Sinabi ni Escudero na inaasahan nilang sa loob ng mahabang panahon na hindi pa sinisimulan ang proseso ay dapat nakapaghanda na ang magkabilang panig.

Muling nanindigan ang lider ng Senado na hindi sila makapagko-convene bilang impeachment court hangga’t walang sesyon ang Kongreso.

Hindi rin anya sila hihiling ng special session lalo pa’t wala namang mahalagang batas na kinakailangang ipasa.

Binigyang-diin ng senador na nag-iingat sila sa kanilang mga hakbangin upang hindi magkaroon ng oportunidad ang nasasakdal na kwestyunin sila sa Korte Suprema na posibleng makapagpatagal pa lalo sa proseso. (DANG SAMSON-GARCIA)

11

Related posts

Leave a Comment