CITY COUNCILOR SINUSPINDE SA HARASSMENT SA KAPWA KONSEHAL

PINATAWAN ang isang city councilor ng 60 araw na suspensyon ng Manila City Council dahil sa reklamong harassment.

Sinuspinde ng 60 araw ang isang konsehal sa Lungsod ng Maynila matapos ireklamo ng harassment ng kapwa nito konsehal.

Ayon kay Vice Mayor Chi Atienza na siyang presiding officer ng Manila City Council, hindi nila binabalewala ang ganitong klase ng reklamo at naging patas sila sa proseso ng paglalabas ng desisyon sa naturang reklamo laban kay Councilor Ryan Ponce.

Ayon pa sa bise alkalde, naging sapat ang ebidebsya ng reklamo ni Councilor Eunice Castro para mapatawan ng parusa ang kapwa konsehal

Dagdag pa ni Atienza, ang naging aksyon ng Konseho ay patunay na seryoso ito sa pagpapanatili ng mataas na pamantayan ng asal ng mga halal na opisyal.

“Nais naming ipakita na ang ganitong mga reklamo ay hindi dapat binabalewala,” sabi ng bise alkalde.

Paliwanag pa ni Atienza, bagama’t humingi ng paumanhin si Ponce kay Castro, nararapat pa rin siyang patawan ng parusa sa nagawang pagkakamali at para hindi na maulit o gawin ng iba ang nasabing insidente.

Aniya, mananatiling mahigpit ang Konseho sa pagpapatupad ng mataas na pamantayang etikal upang mapanatili ang tiwala ng publiko

Ipinaliwanag naman ni Konsehal Atty. Jaybee Hizon, na namuno sa imbestigasyon, ang parusang 60-araw ang pinakamataas na maaaring ipataw sa ilalim ng internal rules ng Konseho.

Dahil nagsimula ang kaso sa isang privilege speech at hindi sa pormal na verified complaint, limitado ang maaaring parusa ng Konseho batay sa Local Government Code.

Bukod sa suspensyon, inaprubahan din ng Konseho ang reorganisasyon ng lahat ng komiteng kinabibilangan ni Ponce.

Epektibo ang suspensyon labinlimang (15) araw matapos matanggap ni Ponce ang opisyal na abiso.

(JOCELYN DOMENDEN)

40

Related posts

Leave a Comment