CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ANG suspensyon ng 16 opisyal at empleyado ng DPWH–Bulacan First District Engineering Office ay hindi simpleng parusa lang—ito ay resulta ng matinding pagbabantay at seryosong trabaho ng Commission on Audit (COA) sa pamumuno ni Chairman Gamaliel A. Cordoba.
Noong Setyembre 8, isinumite ni Cordoba ang Fraud Audit Reports na tumukoy sa maanomalyang flood control projects sa Calumpit at Baliuag, Bulacan, na nagkakahalaga ng halos P345.8 milyon. Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng irregularities sa bidding, overpricing ng materyales, at ghost accomplishments sa ilang bahagi ng proyekto. Ang iba pang kontrata ay lumalabas na pinaboran lang ang piling kontraktor—taliwas sa prinsipyo ng tamang pamamahala ng pondo. Malinaw sa ulat na nilabag ng mga kontrata ang Government Procurement Reform Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at ilang probisyon ng Revised Penal Code tungkol sa malversation.
Mabilis na kumilos ang Ombudsman sa ilalim ni Acting Ombudsman Dante Vargas—kaya’t ipinatupad ang anim na buwang suspensyon nang walang sahod laban sa mga sangkot.
Tama lamang, dahil kung mananatili sila sa puwesto, tiyak na maaapektuhan ang imbestigasyon at masisira pa lalo ang tiwala ng publiko.
Dito makikita na kapag seryoso ang liderato, gumagana ang mga institusyon. Pinatunayan ni Cordoba na hindi siya natutulog sa pansitan—pinakita niyang bantay-sarado ang pondo ng bayan laban sa katiwalian. Kung hindi siya kumilos, baka tuluyan nang natabunan ang anomalya sa DPWH-Bulacan.
Ito ang klase ng pamumuno na dapat gawing huwaran. Ang mensahe ay malinaw: ang COA ay hindi lang taga-audit sa papel, kundi matatag na tagapagtanggol ng kaban ng bayan.
153
