THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NITONG nakaraang linggo, naging saksi ako sa tindi ng galit ng napakaraming residente sa condo na aking tinitirahan. Bigla kasing nawalan ng kuryente sa buong complex at maraming trabaho ang naantala at mga taong napeste.
Minsan talaga may mga aberya pero ang ikinagalit kasi ng mga residente — ang kawalan ng maayos na impormasyon tungkol sa dahilan nito, at ang paninisi ng administrasyong namamahala sa condo.
Mahigit isang araw nawalan ng kuryente kaya talagang sumasabog ang group chats dahil sa sobrang galit na mga tao. Paano ba naman, nagtaas din ng condominium dues tapos palaging may sira sa elevator, o sa iba pang pasilidad. Tapos nawalan ng kuryente na naging malinaw sa kasagsagan ng kadiliman na ang may kasalanan ay ang admin dahil sa kapabayaan. Kaya sa gitna ng mga reklamo, malinaw ang panawagan — pananagutan.
Kasi nga naman kung naglalabas ka na rin ng pinaghirapang pera para mabayaran ang association dues na dapat nakalaan sa pagpapanatiling maayos ang kalagayan ng condo complex, aba dapat maayos naman ang paggamit sa pondo. Malinaw na hindi ito nararamdaman ng mga residente.
Ganito rin ang nangyayari sa kasalukuyan sa Pilipinas — at mas matinding sitwasyon pa dahil bilyun-bilyon ang pondong pinag-uusapan na nagmula sa buwis na binabayad ng mamamayan.
Nakagugulat ba ang korupsyon? Hindi na siguro, pero kung gaano ito katindi talaga namang manggagalaiti ka sa galit lalo na ‘pag nakita mo ang laki ng tax na binabawas sa payslip mo.
Noong Setyembre 21, libo-libong Pilipino ang lumabas para magprotesta. Kagaya ng galit na galit na residente sa amin, ang panawagan — pananagutan.
Flood control palang ang usapan dito at ang mga rebelasyon sa mga ginagawang pagdinig sa Senado. Sa rami nga ng lumalabas na impormasyon, mahirap nang matukoy kung alin ang totoo at alin ang pang-distract lang. Pero may isang bagay na hindi malabo: ninanakawan ang taumbayan ng mga politiko, at ilan sa kanila ay tayo mismo ang nagluklok sa pwesto. Ang kakapal talaga ng mukha.
‘Yung mga taong inaasahan nating gagawa ng batas, magpapatupad nito, at pati na rin ng mga proyektong dapat sana pinakikinabangan natin — sila lang mismo ang nakikinabang. Habang ang mga ordinaryong Pilipino ang nagdurusa sa kahirapan, sa kawalan ng maayos na social services, sila naman nagpapakasasa sa pondong dapat sana tumutulong para maiangat ang antas ng pamumuhay ng maraming Pilipino.
Ang lala ng usapin ng budget insertions at malinaw na maraming interes ang pinag-uusapan dito, pero grabe ‘yung wala na talagang konsensya at wala man lang pagpapanggap. Magtataka pa ba tayo kung bakit ang daming nagkakandarapa para makaupo sa pwesto? Gumagastos ng napakaraming pera kapag halalan para lang masiguro ang panalo.
Mayroon pa nga dyan magsasabi na pinamimigay naman daw — oo kapag halalan, babayaran ang mga tao para iboto sila. Pero ang dapat nating tandaan, kung personal na pera man nila ‘yan, kung gaanong kalaki ‘yan, siguradong babawiin rin nila yan. Kaya sa huli, mga ordinaryong mamamayan pa rin ang talo.
Nakakawala ng pag-asa sa totoo lang. Sa ngayon, hindi tayo dapat mapanatag na mayroong mga politiko na nagpapakita na akala mo kasama natin sila sa laban pero posibleng meron lang silang mga personal na interes na kailangan o gustong protektahan.
Kaya ang tanong — sino ba talaga ang walang kinalaman? Siguro sa flood control projects, hindi sila kasama pero isipin ninyo, isang aspeto pa lang ‘yan. Napakarami pang proyektong hindi natin totoong napakikinabangan. At napakaraming pondo ang ating pinag-uusapan.
Gaano ba kalaki sa inaaprubahang taunang national budget ang totoong napupunta sa mga nagbabayad ng buwis?
