DUMAGSA ang mga humabol sa paghahain ng kanilang certificate of candidacy sa national positions para sa Mayo 2022 elections sa huling araw ng filing sa Sofitel Hotel sa Pasay City kahapon.
Naging maagap naman ang Philippine National Police (PNP) na nagtalaga ng mga anti-riot police bilang paghahanda sa mga darating na supporters ng mga kandidato.
Ilang araw nang dumadagsa ang supporters na kasama ng mga kandidato sa paghahain nila ng COC bagaman hanggang labas lang sila at hindi pinalalapit sa mismong hotel.
Mahigpit ding pinatutupad ang seguridad at health protocols partikular ang mass gathering.
Kabilang sa mga humabol ang mga matunog na pangalan sa pulitika tulad nina dating Vice President Noli de Castro na tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng tiket nina Manila Mayor Isko Moreno at Dr. Willie Ong.
Naghain din ng COC si dating senador Antonio Trillanes IV sa pagka-senador sa ilalim ng Robredo-Pangilinan tandem.
Kinatawan naman ni Atty. Dino de Leon ang paghahain ng COC ni Senadora Leila de Lima bilang reelectionist.
Naghain din ng COC si reelectionist Senator Sherwin Gatchalian, dating Agriculture Sec. Manny Piñol at ang nakakulong na social media influencer na si Francis Leo Marcos sa pamamagitan ng kanyang kinatawan – lahat sila para sa pagka-senador.
Bukod dito, dumagsa rin ang party-list groups at independent senatoriables na naghain ng CONA at COC.
