IIMBITAHIN ni Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones chairperson at Senator Francis “Tol” Tolentino ang kinatawan mula sa Commission on Elections (Comelec) na dumalo sa susunod na pagdinig sa Senado upang magkomento sa nahuling Chinese spy malapit sa Comelec building sa Intramuros, Maynila nitong Martes.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Tolentino na kumpiyansa ito sa abilidad ng mga (Comelec) Commissioner at Chairman sa kabila ng mga nahuhuling Chinese spy, drones, IMSI catcher.
Ayon sa senador, ang nakikitang agenda sa mga Chinese spy na konektado sa umano’y troll farm na inupahan ng Chinese Embassy ay para bumaba ang depensa [natin] at makuha ang Pilipinas at maging probinsya ng China.
Ipinakita rin ni Tolentino ang kopya ng umano’y service agreement sa pagitan ng Chinese Embassy sa Pilipinas at Makati-based InfinitUs Marketing Solution Inc.
Ibinunyag din ni Tolentino na mayroong mga pro-China na mga kandidato ngayong May 12 elections.
Samantala, nilinaw ng senador ang pahayag ni Senator Imee Marcos na ginagamit ng administrasyon ang isinagawang pagdinig sa Senado na isa lamang taktika upang iligaw ang usapin kaugnay sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Ito liwanagin ko, what I did has nothing to do with the administration, ako lang po yun, ako lang po yun. Hindi ito Alyansa–ako lang to…si Tol lang yun,” aniya.
(JOCELYN DOMENDEN)
