INAPRUBAHAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang “compassionate use” ng COVID-19 vaccine mula sa China’s Sinopharm para sa kapakinabangan ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ang compassionate use, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque ay mako-cover ang 10,000 doses.
Ang bakuna ay kailangan na makakuha ng emergency use authorization (EUA) mula sa FDA para maging legal na mapangasiwaan sa Pilipinas.
Ang Sinopharm ay hindi pa nakapag-aaplay para sa EUA sa FDA.
Sa kabilang dako, papayagan naman ng FDA na magamit ang bakuna kahit walang EUA subalit kailangan na makakuha ito ng compassionate use permit.
Tinatayang may ilang miyembro ng PSG ang nakatanggap na COVID-19 shots na sinasabing donasyon sa kanila noong nakaraang taon, ayon kay PSG commander Brigadier General Jesus Durante III nito lamang Disyembre.
Ang pag-amin ni Durante ay matapos isiwalat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may ilang sundalo ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinopharm.
DARATING
SA PEB. 23
Samantala, ngayong Pebrero 23 inaasahang darating sa bansa ang bakunang Sinovac na magmumula sa bansang China.
Sinabi ni Sec. Roque na 600,000 ang darating na bakuna subalit ang 100,000 ay donasyon ng China para sa kasundaluhan sa Department of National Defense (DND).
Matatandaang makailang ulit na sinabi ni Sec. Roque na ngayong buwan darating ang unang batch ng bakuna.
Kasama na aniya rito ang bakunang manggagaling sa COVAX facility at mga bakuna na mula naman sa donasyon ng bansang China.
“Ipapaliwanag ko lang muli kung ano ang COVAX Facility. Ang COVAX Facility is COVID-19 Vaccines Global Access Facility. It is a global procurement mechanism na nag- invests po sa broad portfolio of promising vaccine candidates to support their reserach, development and manufacturing. Sinisiguro ng COVAX facility ang mabilis at pantay-pantay na pagkakaroon ng bakuna ng lahat ng mga bansa regardless of the income level. Kasi kung wala po ang Covax.. tanging ang mga mayayaman lamang ang makakakuha ng bakuna,” ayon kay Sec. Roque.
Isa aniya ang Pilipinas sa lumahok sa bakunang ito subalit ang COVAX facility ang magtatakda kung kailan nila ipadadala sa Pilipinas ang mga bakuna. (CHRISTIAN DALE)
189 