CONCEPCION: ANTIVIRALS, KAILANGAN NG PH SA PANDEMIC ARSENAL NITO

Dahil mabagal pa rin ang pag-usad ng pagbabakuna sa Pilipinas, naniniwala ang founder ng Go Negosyo na si Joey Concepcion na  kailangan nang magplano ng mga karagdagang hakbang para makapamuhay ang bansa sa  gitna ng Covid. Kabilang dito ang pag-imbak ng mga antiviral na gamot.

Sa kasalukuyan, may dalawang antiviral, ang Molnupiravir at Paxlovid, at parehong nangangailangan ng reseta ng doktor. Hindi matatag ang supply ng mga ito, lalo na sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Covid nitong mga nakaraang linggo.

“Ang mga antiviral ay isang paraan upang tayo ay makasulong na isinasaalang-alang ang antas ng pagbabakuna natin, and kung tumataas at bumababa ang mga kaso. Kailangan natin ng mga antiviral para palakasin ang ating panlaban sa Covid,” ani Concepcion.

Idinagdag niya na  kailangan ding magplano para sa mga ‘bivalent vaccines’, o mga bakuna na kayang i-target ang orihinal na strain ng Covid virus at ang lubhang nakakahawang variant na Omicron.

“Ang mga bagong pormulasyon na ito ay mangangailangan ng EUA kung ang mga pharma companies ay hindi makakakuha ng kanilang Certificates of Product Registration sa oras na mag-expire na ang State of Public Health Emergency.” Ang EUA, o Emergency Use Authorization, ay nagpapahintulot sa paggamit ng mga bakuna habang hindi pa na-aprubahan ng gobyerno.

Tiniyak ni Concepcion na handa ang pribadong sektor na pumasok sa isa pang tripartite agreement tulad ng ginawa noong 2020 sa A Dose of Hope project. Ang kasunduan ay nagbigay-daan sa Pilipinas na malampasan ang mga regulatory roadblocks noong ang mga bakuna laban sa Covid ay hindi pa naaprubahan pa ng Food and Drug Administration.

Gayunpaman, nagbabala si Concepcion na kailangang tiyakin ng pribadong sektor na sa pagkakataong ito, magkakaroon na ng malinaw na alituntunin sa paggamit ng mga bakuna. Iminungkahi niya na sundin na lamang ang mga bansang pinanggalingan ng mga gamot.

“Dapat ay mayroon na tayong imbentaryo kapag kailangan na natin ang gamot.”

Sinabi ni Concepcion na dapat maging bahagi sa plano ang mga antiviral at bivalent vaccines kung nais ng bansa na matagumpay na mamuhay na may Covid pa. “Ang unang depensa ay pagbabakuna pa rin, lalo na ang mga boosters, at ito ay dapat itong magpatuloy,” sabi niya. “Pangalawa ay ang patuloy na pagsusuot ng face masks, at pangatlo ay kailangan nating magkaroon ng mga antiviral. Epektibo ang mga antiviral kung nainom ito nang maaga,” aniya. “Kung mapipigilan natin ang malubhang sakit , pagka-ospital o pagkamatay sa Covid, kaya nating i-manage ang Covid kahit na tumataas ang mga kaso.”

233

Related posts

Leave a Comment