“Kailangan nating matuto,” sabi ng founder ng Go Negosyo na si Joey Concepcion, na kasama ang mga ilang medical experts ay nagsulong ng mga mungkahi sa nakaraang Go Negosyo townhall meeting na “Navigating from Pandemic to Endemic” na ginanap noong Hulyo 29.
“There are clearly several gaps that led to the expiry of the vaccines,” sabi ni Concepcion, tungkol sa pagka-expire ng milyun-milyong bakuna sa Covid-19 na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso. Napanis ang mga bakuna ilang araw lamang matapos pahintulutan ng Department of Health (DOH) ang pangalawang booster. para sa mga 50 taong gulang pataas, at sa mga 18 – 49 taong gulang na may comorbidities. “Sinubukan naming himukin silang makinig sa agham ng ibang bansa, at bilisan ang kilos alang-alang sa lagay ng ating ekonomiya,” sabi niya.
Noong nakaraang Abril, ibinunyag ni Concepcion na milyun-milyong bakuna sa Covid ang malapit nang mag-expire. ” The DOH, who has visibility on the inventory, could have stepped in,” sabi ni Concepcion. “Simpleng pagkalkula lamang ito dahil ang mga petsa ng pag-expire ay malinaw. Alam nila kung ilan ang mga imbentaryo mula sa pribadong sektor, mga binili ng gobyerno at mga donasyon mula sa ibang bansa,” aniya.
Noong Hunyo 26, mayroong 29,795,970 pa na bakuna sa pasilidad ng national cold chain facility; apat na milyon dito ay kumpirmadong mawawalan na ng bisa sa Hulyo 31. Ayon kay Concepcion, nagabayan sana ng DOH, gamit ang kaukulang datos, ang Health Technology Assessment Council ( HTAC), at napabilins ang mga alituntunin para sa pagpapatupad.
Sa nakaraang townhall, nagmungkahi si Dr. Ted Herbosa, special adviser of the National Task Force Against Covid-19 at expert sa disaster at emergency medicine, na ang susunod na DOH Secretary, sa tulong ng isang executive committee, ay dapat kayang i-override ang mga desisyon kapag may emergency. Na-obserbahan din niya na masyadong maraming grupo ang nagpapayo sa gobyerno, at ang ilan ay nagkakapareho ng papel. Bukod dito, aniya, ang HTAC ay nabuo wala pang isang taon bago ang pagsiklab ng Covid, at kulang sa karanasan sa pandemya.
“The lack of planning led to the loss of the vaccines,” sabi ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA Research, sa isang hiwalay na forum sa Cardinal Santos Medical Center noong Hulyo 28. Ayon kay Rye, ang pamahalaan ay dapat na ngayong magbalangkas ng komprehensibong Covid-19 exit plan na gagabay sa pambansa at lokal na pamahalaan at pribadong sektor kung paano makabangon mula sa pandemya.
Sinabi ni Philippine College of Physicians president Dr. Maricar Limpin na dapat ding pag-isipang mabuti ng gobyerno kung ano ang gagawin sa pagtatapos ng State of Public Health Emergency ngayong Setyembre. “We have not done the necessary preparations… the vaccines are still under EUA,” aniya. Dapat nang magpasya ang gobyerno kung pananatilihin o hindi ang Emergency Use Authorization para sa mga bakuna o hikayatin ang mga drug companies na kumuha ng Certificate of Product Registration. Sa paraang ito, mananatiling may mga bakunang magagamit laban sa Covid, mapa-komersyal man o mga donasyon sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Dr. Nina Gloriani, chairman ng Vaccine Experts Panel, na kailangan ang mga booster upang mapanatili ang immunity laban sa Covid. “Hindi sapat ang pangunahing serye sa ngayon, lalo na sa mga variant,” sabi niya. Napansin ni Dr. Guido David ng OCTA Research na steady lang ang rate sa pagdami ng mga kaso ng Covid, maaari pa itong magtagal kaysa sa inaasahan. Ayon kay David, maaaring dahil ito sa humihinang immunity at/o mga subvariant.
“We need to keep healthcare utilization rates down so the economy stays open. A sure way of doing this is strengthening our wall of protection, especially against variants,” ani Concepcion.
Naniniwala si Concepcion na magandang ideya ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itatag ang Philippine Center for Disease Prevention and Control, at dapat itong pamunuan ng DOH Secretary. Bukod dito, humihillng si Concepcion na sa mga susunod na programa sa pagbabakuna ay limitahan na lang sa dalawa ang brand ng bakuna upang mas streamlined ang pagbili ng pribadong sektor.
“Susuportahan namin ang pagbabakuna, ngunit kailangang malinaw ang roadmap,” sabi ni Concepcion.
312
