Ni ANN ENCARNACION
HINDI pabor si Barangay Ginebra coach Tim Cone na sa Linggo pa gaganapin ang PBA Commissioner’s Cup Finals Game 7 kontra Bay Area.
Kung siya ang papipiliin, ayon kay Cone, nais niyang bukas na (Biyernes) isagawa ang championship match up sa pagitan ng dalawang koponan.
Nitong Miyerkoles ay nagawa ng Dragons maitabla ang serye (3-3) matapos talunin ang Gin Kings, 87-84, kung kailan nakapagtala ng record-crowd 22,361 sa Big Dome.
Aminado si Cone, nagulat siya nang malamang ang do-or-die game ay inilipat sa Linggo sa malayong lugar ng Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
“I would have preferred [it] to be Friday. I’m a little disappointed it’s on Sunday. But that’s out of our control, so we’ll worry about Sunday,” nasabi na lamang ng winningest coach sa PBA.
Mas ‘healthy’ ang Ginebra kumpara sa Bay Area, kaya ang tatlong araw na dagdag pahinga ay malaking benepisyo sa guest team mula Hong Kong.
Sina Dragons import Myles Powell, point guard Glen Yang at forward Hayden Blankley, bagama’t naglalaro ay pawang may iniindang injury.
Samantala sa panig ng Kings, si team captain LA Tenorio ay may abdominal strain at si Japeth Aguilar ay may gastro-related issue. Maliban sa kanila, healthy ang iba pang players.
“It gives our guys a little extra time to rest and rethink what we want to do with Powell,” pag-amin naman ni Cone. “But like I said, it’s out of our control. We’ll just do what we can.”
Walang pang talo ang Bay Area kapag si Powell ang kanilang import, kaya’t siya ang itinuturing na ‘tinik’ sa landas ng Kings.
