HALOS hindi makausad sa paglalakad ang grupo ni Cong. Fidel Nograles sa dami ng mga sumasalubong sa kanya at humihiling ng ‘selfie’ sa kanyang pag-iikot noong Sabado sa Kasiglahan Village, Barangay San Jose, Montalban.
HALOS hindi mahulugan ng karayom ang daan sa dami ng mga residente ng Montalban na nakiisa at sumama sa isinagawang house-to-house campaign ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles sa Barangay San Jose nitong nakaraang Sabado, Abril 5, 2025.
Dakong alas-2:00 ng hapon nang magsimulang magtipun-tipon ang mga supporter ni Congressman Nograles sa Kasiglahan Church sa Kasiglahan Village sa nabanggit na barangay bago tumulak para magbahay-bahay ang batang mambabatas.
Hindi pa man nakalalayo ay pansamantalang huminto ang kongresista para paunlakan ang isang lider ng simbahan na nag-alay ng dasal sa mambabatas para basbasan siya ng Panginoon at maging ligtas siya habang naglilingkod sa mga residente ng Montalban.
Mula sa mga senior citizen, kabataan, estudyante, kalalakihan, kababaihan at mga negosyanteng mga residente ng Montalban ang nagsakripisyo upang sumama at makiisa sa house-to-house na pangangampanya ni Nograles. Kasama rin ng mambabatas ang drum-and-lyre band ng ilang mga estudyante at iskolar ni Cong. Fidel Nograles sa ilalim ng kanyang scholarship program na Future Natin (FN) at ilang motorcycle group.
Sa panayam ng SAKSI NGAYON sa ilang nakiisa at sumama sa kampanya, nangako ang nagsipagdalo na ipaglalaban nila at titiyaking muling mananalo si Nograles sa darating na halalan sa Mayo 12 dahil malaki ang naitulong ng mambabatas sa kanila.
Anila, mula pa noong nagkaroon ng pandemya ng Covid-19 na sa kabila ng panganib na posibleng mahawaan siya ng virus ay hindi nito inalintana at sa halip ay ipinagpatuloy pa rin ni Nograles na hatiran ng ayuda ang kanyang mga nasasakupan.
Ayon pa sa kanila, kahit na ipinasara ang district office ni Nograles ng mga katunggali niya sa politika at ginugulo ang kanyang mga aktibidad na may kinalaman sa pagtulong sa mga residente ng Montalban ay hindi nagpatinag ang kongresista.
Matatandaang tinuran ng mambabatas na hindi siya mapapatigil sa kanyang ginagawang pagtulong sa kanyang mga kababayan na kahit harangan pa siya ng tabak nino man ay hindi siya lilihis o tatalikod sa kanyang pangakong manilbihan sa kanyang mga kababayan.
Sa katunayan, ang nasabing house-to-house campaign ni Nograles sa Kasiglahan Village ay muling tinangkang isabotahe matapos na may mambato sa kanila.
Sa kabila ng mga nabanggit na panggugulo ay lalo namang lumalakas ang hatak ng simpatiya para sa incumbent solon mula sa mga residente ng Montalban.
Tungo sa pagtatapos ng kanilang pangangampanya, dakong alas-5:00 ng hapon ng dumating sila sa harapan ng Primark Town Center na kung saan nakaabang na sa kanila ang libu-libong residente ng Montalban.
Sa kanyang campaign message, pinasalamatan ni Nograles ang mga taga-Montalban sa kanilang walang sawang suporta sa kanya, kung kaya’t tiniyak niyang ipaglalaban ang kapakanan ng Montalbeño sa pagbabalik niya sa Kongreso.
Kabilang sa mga ipinaglalaban ni Cong. Nograles bilang chairman ng House Committee on Labor and Employment ay ang makabuo ng maraming trabaho, kabuhayan, edukasyon at kalusugan at iba pang bagay para sa pag-asenso ng mga taga-Montalban.
(JOEL O. AMONGO)
