TARGET ni KA REX CAYANONG
SA harap ng maiingay na paratang at walang basehang espekulasyon, muling ipinakita ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang uri ng lideratong tapat, matapang, at bukas sa publiko.
Aba’y sa pagharap niya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), pinatunayan niyang wala siyang itinatago at handa siyang makipagtulungan sa anomang proseso na naglalayong makamit ang katotohanan.
Hindi nag-atubili si Cong. Sandro na bigyang kapangyarihan ang ICI na ilabas ang video ng kanyang testimonya kung nanaisin ng komisyon.
Malinaw ang kanyang mensahe na bukas siya sa pagsisiyasat at walang takot na harapin ang sambayanan dahil tiwala siyang malinis ang kanyang pagkatao at kanyang trabaho.
Ang hiling lamang niya ay isang executive session, hindi para protektahan ang sarili, kundi upang tiyakin na hindi masisira ang integridad ng imbestigasyon.
Sa katunayan, inuuna ni Marcos ang kabuuang proseso kaysa anomang personal na konsiderasyon.
Aniya, ang anomang impormasyon na posibleng makasagabal sa patuloy na fact-finding ay nararapat suriin nang maingat ng ICI bago ilabas sa publiko. Ito ang tunay na pagrespeto sa komisyon at sa layunin nitong makapagtuklas ng tama at wasto.
Maging ang kanyang abogado, si Atty. Michelle Lazaro, ay nagbigay-diin na ang executive session ay mahalaga upang hindi maalerto ang mga indibidwal na maaaring sinusubaybayan ng komisyon at upang mapangalagaan ang ebidensiyang maaaring lumabas. Ito ay hindi pagtatakip, kundi tamang pamamaraan upang hindi masabotahe ang mas malawak na imbestigasyon.
Gayunpaman, mariin pa ring idiniin ni Cong. Sandro ang kanyang paninindigan na siya ay inosente.
Hindi siya nagpapatalo sa intriga at hindi niya pinipiling dumaan sa liku-likong paliwanag.
Hindi lamang ito simpleng pagsunod sa proseso kundi patunay ng isang lider na inuuna ang bayan, iginagalang ang batas, at ipinakikitang ang katotohanan ay hindi kailangang katakutan.
Tama nga naman.
Ang taong walang tinatago, wala ring dapat ikatakot.
12
