NAGHAIN ng Statement of Withdrawal sa Commission on Elections si Councilor Allan Francisco bilang kandidato sa pagka-Kongresista sa ika-5 Distrito ng Quezon City dahil sa kanyang kalusugan.
Nauna nang nag-file ng kanyang Certificate of Candidacy sa nasabing posisyon noong Oktubre 7 si Francisco at makaraan ng ilang araw, siya ay sumailalim sa isang knee surgery.
Sa isang press statement, sinabi ni Francisco na pinayuhan siya ng kanyang doctor na magpahinga at iwasan ang mga pagkilos hanggang sa maghilom ang sugat dala ng operasyon.
Sinabi pa ng Konsehal na bunga ng medikal na kondisyon, maaaring hindi niya marating ang ibang kababayan na umaasang makita o makadaupang palad siya at mailahad ang kanyang mga hangarin para sa Distrito bilang isang kandidato.
“Makailang-beses kong pinag-aralan ang desisyong ito, sumangguni ako sa aking pamilya, mga kaibigan at mga supporters hanggang sa marating ko ang pinal na desisyon, na aking pansamantalang ipagpaliban ang buhay-pulitika at isaalang-alang ang aking kalusugan,” ayon pa kay Francisco.
Sa kabila nito, tiniyak ni Francisco na hindi niya tatalikuran ang serbisyo sa mamamayan at kanyang pinasalamatan ang mga kababayan sa kanilang ibinigay na suporta sa loob ng halos 18 taon
bilang Konsehal. “Malaki po ang aking tiwala na aking nagampanan ang mandato na inyong ipinagkaloob, nakagawa po tayo ng maraming batas at nakapaghatid ng tulong lalong-higit sa mga mahihirap nating mamamayan,” dagdag ng Konsehal.
Si Konsehal Francisco ay nasa huling termino bilang Konsehal ng Distrito 5 matapos maglingkod ng halos 18 taon at ang kanyang nakababatang kapatid na si Apple Francisco ang napiling kumandidato sa pagka-Konsehal at magpatuloy ng kanyang mga adhikain. (PAOLO SANTOS)
178 