TAHASANG itinanggi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief, Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga lumabas na alegasyong nakikipagsabwatan umano ang militar sa mga retiradong heneral at relihiyosong grupo para mapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“The coup rumors are not true. I myself was surprised when I saw the article,” pahayag ni Brawner sa isang forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines na ginanap sa Camp Aguinaldo.
Ito ay kaugnay sa lumabas na artikulo na isinulat ni Pulitzer awardee Manny Mogato, na nagsasabing may isang retiradong heneral at isang malaking religious group ang umano’y nagtangkang hikayatin ang isang Army commander na bawiin ang suporta kay Marcos.
Ayon kay Brawner, kinausap niya mismo si Mogato at dito niya nalaman na siya ang tinutukoy na military official.
“If you’re referring to me, I can tell you directly that I did not talk to any religious group. I did not plan a coup d’état with the secretary of national defense directed by the CIA,” aniya, tinutukoy ang US Central Intelligence Agency.
Kaugnay nito, hinihikayat ng heneral ang mga mamamahayag na beripikahin muna ang mga impormasyon bago ilathala dahil maaaring magdulot ito ng pangamba sa bansa at sa mga kaalyadong dayuhan.
Inamin ng AFP chief na noong Setyembre 21, kasabay ng ika-52 anibersaryo ng Martial Law, may ilang grupo ang hayagang nanawagan sa militar na bawiin ang suporta sa Pangulo.
“There were recruitment activities, sad to say, by some retired officers trying to reach out to younger officers, to commanders, even to me. But there were no such events or activities that transpired. The AFP stood its ground,” wika niya.
Itinuring din ni Gen. Brawner na isa itong “litmus test” sa propesyonalismo ng mga sundalo at “We came out victorious because none of our members heeded those calls,” pagmamalaki ng heneral.
Mariin ding tinuran ni Brawner na anomang tangkang kudeta ay makasisira sa bansa. Aatras umano ang Pilipinas ng ilang taon mula sa kinalalagyan nito ngayon sakaling may magsagawa ng panibagong military adventurism.
Nagbabala rin siya na ang anomang tangkang pabagsakin ang gobyerno ay magdudulot ng matinding pinsala sa ekonomiya at tiwala ng mga mamumuhunan.
(JESSE RUIZ)
