IBINABALA ni Senador Leila De Lima na lubhang lilikha ng constitutional crisis ang gag order na iniutos ni Pangulong Duterte sa miyembro ng Gabinete na dadalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa overpriced medical supplies na binili ng administrasyon noong 2020.
Sa pahayag, sinabi ni De Lima sa kanyang resolusyon na humihiling sa pangulo na iwasan ang pagbibigay ng pahayag na may layunin na mabawasan ang respeto sa Senado o sinoman sa miyembro nito.
Inihain ni De Lima ang Proposed Senate Resolution (PSR) No. 898 na nagsasabing “expressing the sense of the Senate that the President should show courtesy to a co-equal institution following Mr. Duterte’s recent verbal attacks against Senators and the institution.”
“It behooves each of the branches of our government to treat each other with courtesy in the performance of their respective constitutional mandates,” aniya.
“Petty, inflammatory, and personal statements by the President against the Senate or any of its members only lead to the erosion of public trust and confidence in our democratic institutions,” dagdag ni De Lima.
Noong Agosto 18, sinimulan ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigation (Blue Ribbon Committee) sa pamumuno ni Sen. Richard Gordon ang imbestigasyon sa anomalya umanong bumabalot sa paggamit ng COVID-19 funds.
“In response to the investigation, Duterte, in a public address, ranted about Gordon for supposedly “show[ing] off” and went on to mock his looks, as well as that of Sen. Ping Lacson. He also recently vent his ire against Senate Minority Leader Franklin Drilon, by resurrecting old issues which the latter dismissed as “false intrigues,” ayon kay De Lima.
Sinabi pa ni De Lima na binalaan pa ni Duterte ang Senado laban sa pag-iimbestiga ng programa ng ahensiya ng pamahalaan dahil nakasasagabal ito at nanawagan sa publiko na ‘wag maniwala sa imbestigasyon na wala naman nangyayari, na pinalagan ng mga senador.
Iginiit ni De Lima na bilang lider ng bansa, dapat maging halimbawa ang pangulo sa pagpayag na gumulong ang demokratikong proseso nang walang sagabal, o anomang pag-atakeng pulitikal na hindi nakatutulong sa paghahanap ng katotohanan sa maanomalyang transaksiyon sa gobyerno. (ESTONG REYES)
Gaya-gaya kay GMA
Hindi kayang hadlangan ng gag order ni Pangulong Duterte sa kanyang mga Gabinete ang katotohanan sa anomalya sa biniling mga face mask at face shield sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na pag-aari ng kanyang kaibigang si Michael Yang.
Ito ang siniguro ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kasabay ng pagkastigo sa pangulo dahil ginaya umano nito si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ipinagbawal din ang pagdalo ng mga Gabinete sa Senado na nag-iimbestiga sa anomalya sa kanyang gobyerno.
“Gaya-gaya kay Arroyo. Sa kagagaya niya, ay ‘di malayong magaya rin siya sa kinahinatnan ni Arroyo at iyon ay pagpapanagot sa kanilang mga ginawang krimen,” ani Gaite.
Si Arroyo ay naglabas ng Executive Order 464 noong Setyembre 2008 na nagbabawal sa mga miyembro ng kanyang Gabinete na dumalo sa mga imbestigasyon sa “Hello Garci” controversy nang wala siyang pahintulot.
Sinabi ni Gaite na matagal nang sinupalpal ng Korte Suprema ang ganitong gawain ng Chief Executive subalit ginagawa pa rin aniya ni Duterte kaya lalong nagdududa ang mga tao na mayroon siyang itinatago.
Pang-Senado lang?
Kaugnay nito, mistulang sa Senate Blue Ribbon committee lang epektibo ang ‘gag order’ ni Pangulong Duterte dahil kahapon ay dumalo ang kanyang mga Gabinete sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability hinggil sa kaparehong isyu.
Kabilang sa mga dumalo sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez, Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Tina Rose Marie Canda at Atty. Jasonmer Uayan – OIC, DBM-Procurement Service at iba pa.
Hindi kinumpirma sa pagdinig kung humingi ng clearance ang mga nabanggit na Gabinete kay Duterte subalit kapansin-pansin na mas kumportable ang mga ito sa pagsagot sa tanong ng mga kongresista kumpara sa mga senador.
Kabilang sa mga binigyan ng mahabang oras para idepensa na hindi umano overpriced ang mga biniling face mask at face shield sa Pharmally ay si dating PS-DBM director at ngayo’y Deputy Ombudsman Warren Liong.
Sa pagtatanong naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, itinanggi ni Ombudsman Michael Aguinaldo na sinabi ng mga ito na overpriced ang biniling medical supplies sa Pharmally. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
