CONSUMERS BIGONG PROTEKTAHAN NG DOE SA OIL PRICE HIKES

HINDI ginagampanan ng Department of Energy (DOE) ang kanilang tungkuling protektahan ang mga consumer bagkus ay nagiging taga-pagtanggol pa ang mga ito ng mga oil companies.

Ito ang inihayag ni dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate kasunod ng bigtime oil price increase noong Martes na dagdag- pasanin aniya sa taumbayan.

“The Department of Energy (DOE) should not merely serve as an announcer and justifier of the oil companies’ price hikes,” ani Zarate.

Ngayong araw ay tataas ng P2.30 hanggang P2.50 ang bawat litro ng gasolina; P2.50 hanggang P2.70 sa diesel at maging ang kerosene kung saan mismo ang DOE umano ang nag-anunsyo at idinalihan ang magulong sitwasyon ngayon sa Gitnang Silangan.

Ipinaliwanag ni Zarate na itinatag ang DOE para proteksyunan ang mga consumers at hindi ang mga oil companies subalit nakadidismaya umano na hindi ito ginagawa ng nasabing ahensya.

Maliban dito, wala ring aksyon ang DOE upang maibsan ang epekto ng OPH sa mga consumers lalo na sa presyo ng mga pangunahing bilihin, serbisyo-publiko kasama na ang pasahe.

“It is imperative for the government to take concrete steps to protect consumers from these burdensome increases,” ayon pa sa dating mambabatas.

Kinalampag din nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil hindi nito sinusuportahan ang panukala ng Makabayan bloc sa Kamara na tanggalin ang value-added tax (VAT) on oil at maging unbundling bill.

Ipinaliwanag ni Zarate na isa sa nagpapataas na presyo ng langis sa bansa ay ang VAT na ipinataw sa diesel at iba pang produktong petrolyo kasama na ang Liquified Petroleum Gas (LPG) habang ang unbundling bill ay mag-oobliga sa mga oil companies na idetalye ang kanilang gastos upang masiguro na hindi overprice ang kanilang ibinebentang produkto.

“These measures will ensure transparency in oil pricing and provide immediate relief by lowering oil prices,” ani Zarate subalit dinededma umano ni Marcos Jr. (BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment