MALINAW sa mga nakita nating video na may kapabayaan ang mga contractors sa aksidenteng naganap sa Skyway Project sa Muntinlupa City.
Ikinamatay ito ng isang motorcycle rider at ikinasugat ng 8 na iba pa matapos na bumagsak ang isang biga na bakal sa siyam na sasakyan habang binabagtas ang kalye na kinaroroonan ng nasabing proyekto.
Ang nangyari ay natabig ng crane ng sub-contractor ng EEI Corporation ang malaking bakal na nakabitin sa mismong construction site kung kaya ng masapol ito ay mabilis na bumagsak sa mga sasakyang dumadaan sa lugar.
Ang namatay ay nakilalang si Edison Paquibot, 43 anyos at residente ng Molino sa Bacoor City, Cavite. Sugatan naman sina Henry Delgado at John Paul Gonzales ng San Pedro Laguna, Rogelio Cueno ng Bagong Silangan, Quezon City at Aner Regachuelo ng Pinagbuhatan, Pasig City.
Sugatan din sina Angelito Manalo ng lungsod ng Pasig, Juanito Dumalig at Reden Resus ng Alabang, Muntinlupa gayundin si Edwin Sagun ng San Pedro, Laguna.
Kapansin-pansin na nagmistulang parang papel ang mga sasakyan nang mabagsakan ng mahabang biga na bakal na maiiwasan sana kung naging maingat lang ang operator ng crane na nasa project site.
Maraming tayong nakitang pagkukulang sa panig ng mga kontraktor ng skyway project na ito na naging dahilan kaya nagkaroon ng aksidente. Sa ilalim ng nasabing proyekto ay isang major highway, ang East Service road na dinadaanan ng libu-libong motorist.
Bakit hindi naisip ng mga kontraktor na maglagay ng tao na magmamando sa mga sasakyang dumadaan? O kaya pansamantala ay kanila munang isinaara ang kalsada para hindi muna madaanan ng mga sasakyan at maiwasan ang anomang trahedya.
Sa pagkamatay ng biktimang si Edison, isa na namang tahanan ang nawalan ng padre de pamilya dahil lamang sa kapabayaan.
Kahit pa mangako ang San Miguel Corporation (SMC) na siyang may-ari ng nasabing proyekto ng anumang tulong sa pamilya ng namatayan ay hindi na maibabalik ang buhay ng isang ama ng tahanan.
Nauna nang sinabi ni SMC President at Chief Operating Officer Ramon S. Ang na aasikasuhin nila ang kapalaran ng lahat ng naapektuhan ng trahedya. Ang project contractor na kinuha ng SMC sa proyekto ay ang EEI Construction firm na matagal ng kilala sa ganitong proyekto.
Pero ano ang nangyari?
Naniniwala ang PUNA na ang hawak na lisensiya ng EEI ay pinakamataas na kategorya pagdating sa construction. Pero bakit kulang pa rin sa mga safety measures? Hindi ba ninyo naisip na kalsada at dinadaanan ng nakaparaming sasakyan ang kinalalagyan ng inyong proyekto?
Madalas na nakikita ng PUNA sa mga ginagawang matataas na gusali na nasa tabi ng mga kalsada ay naglalagay sila ng net bilang pangsahod sa mga bumabagsak na debris para hindi makaperwisyo sa daanan ng tao o mga sasakyan.
Bakit hindi iyon naisip ng EEI Corporation?
Dapat nga dahil malalaking bakal ang inyong inilalagay sa skyway project na yan ay pansamantalang ipinasara muna ninyo ang kalye sa mga sasakyan at tao.
Para maiwasan ninyo ang aksidente, bago pa kayo magsimula sa construction ng mga proyekto ay isipin ninyo kung ano ang nararapat na safety measures na kailangang gawin.
‘Wag po kayong manghinayang sa inyong gagastusin para lang magkaroon kayo ng safety measures.
Para rin sa inyong kumpanya yan dahil kung lagi na lang may magbubuwis ng buhay sa mga proyekto ay baka tuluyan na kayo mawalan ng lisensiya.
Sabihin na natin nakapagbibigay kayo ng trabaho sa mga tao, pero kung may mamamatay naman ay hindi matutuwa sa inyo ang taumbayan.
Sa pinakahuling info na natanggap ng PUNA kinasuhan na raw ng ‘reckless imprudence resulting to homicide, damage to properties and multiple physical injuries’ ang operator ng crane.
Gusto ng tagasubaysabay ng PUNA na maging ang mga contractor ng skyway project ay isama rin sa kasuhan. Malinaw raw na nagpabaya rin ang contractors tulad ng EEI at ang may-ari ng Mayon Crane.
Hindi raw biro ang nagawang perwisyo ng mga contractor na ito sa nangyaring aksidente.
Para hindi na rin daw maulit ang aksidente at maging leksyon na rin sa ibang kumpanya na may malalaking construction project sa mga langsangan.
Nakatanggap ang PUNA ng sumbong na may mga construction company rin sa bansa ang kulang sa safety measures.
Dapat kumilos agad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ukol dito.
“Wag na silang mag-antay na may maulit na namanng aksidente tulad ng naganap sa skyway project.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
