Couple swak sa shabu

LEGAZPI CITY – Swak sa selda ang live-in partners na kapwa umano tulak ng ilegal na droga makaraang madakip sa ikinasang anti-narcotics operation noong Huwebes ng hapon sa Purok 1, Brgy. 22, Binanuahan East sa lungsod na ito.

Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, kinilala ang mga suspek na sina Ramon Azaña y Biazon alyas Mamu, 33, at Aizel Serrano y Pareja, 33, kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat, bandang alas-5:15 ng hapon nang madakip ang mga suspek ng ikinasang operasyon ng pinagsanib na mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5; Regional Intelligence Division 5-RSOU; Provincial Intelligence Unit/PPDEU Albay PPO, at Legazpi City Police Station-Drug Enforcement Unit, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO5.

Sa nasabing operasyon ay nakabili ang poseur buyer sa mga suspek ng tatlong gramo ng shabu at nakumpiskahan pa ito ng pitong sachet ng ilegal na droga.

Sa kabuuan ay 15 gramo ang nakuha sa mga suspek na umaabot sa P102,000 ang street value.

Si Azaña ay nahuli at nakulong noong Mayo 2018 dahil sa kasong ilegal na droga ngunit napawalang sala dahil sa kakulangan ng ebidensya. (JESSE KABEL)

113

Related posts

Leave a Comment