COVID-19 cases mababa na, pero.. QUEZON ALERT LEVEL 2 PA RIN

covid

LUCENA CITY – Sa patuloy na pagbaba ng bilang ng active COVID-19 cases sa Quezon ay kasabay namang nagtataka ang mga residente kung bakit hindi nasakop ng Alert Level 1 ang buong lalawigan.

“Dapat ibinaba na ng IATF (Inter Agency Task Force) ang Quezon sa Alert Level 1 noon pagpasok ng Marso. Pero bakit hindi ito nangyari?” ang nagtatakang pahayag ni Romeo Cadiente, retiradong empleyado ng pamahalaan.

Maging ang college student na si Marissa Ortiz, 19, ay may katulad ding pagtatanong.

“Halos wala na ngang mga bagong nagkakasakit ng COVID-19. Pero nakaistak pa rin tayo sa Alert Level 2,” ang pagtataka ni Ortiz.

Simula Marso 1 hanggang Marso 6 ay 34 lang ang naitalang pasyente sa buong lalawigan na may kumpirmadong COVID-19. At noong Marso 5 ay isa lang ang nalistang kaso.

Ayon sa Integrated Provincial Health Office (IPHO), ang lalawigan ay mayroon na lang na 46 active COVID-19 cases noong Marso 6 mula sa record na 1,805 noong Enero 21.

At sa kabuuang 41 munisipalidad sa lalawigan, ang Lucena City, Tayabas City at 14 na bayan na lang ang may aktibong kaso ng coronavirus infections. Samantalang ang 25 namang lokalidad ay maituturing nang “COVID-19 free’ dahil wala nang pasyente sa kanilang bayan.

Sablay sa kondisyon ng IATF

Ayon naman sa paliwanag ni Dr. Tiong Eng Roland Tan, IPHO chief, hindi nakabilang ang lalawigan sa mga lugar na ibinaba sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang Marso 15 dahil hindi naabot ng Quezon ang kondisyon ng IATF na kailangang 80 porsyento ng senior citizens ay “fully vaccinated” na o may dalawang turok na ng COVID-19 vaccine.

Hindi rin aniya naabot ng Quezon ang isa pang kondisyon na kailangang 70 porsyento ng target na populasyon ay “fully vaccinated”.

Ayon sa datos mula sa IPHO, simula Pebrerp 27 ay 1,097,881 lang ang bilang ng mga residente ang maituturing na bakunado. Ito ay 63 porsyento lang ng target na bilang na populasyon sa buong lalawigan na 1,729,997.

Sa bilang ng mga “fully vaccinated” ay 115,471 naman ang nabigyan na ng “booster shots”.

Samantala, nasa kabuuang 914,523 residente naman ang tumanggap na ng kanilang unang turok ng bakuna.

Wala pang huling ulat kung ilan pa ang napadagdag sa bilang ng mga “fully vaccinated” habang ibinabalita ito.

Upang matiyak na maaabot ng lalawigan ang mga kondisyones ng IATF, naglabas ng utos si Gov. Danilo Suarez na magsagawa ng puspusang pagbabakuna sa mga target na residente.

“All concerned local chief executives, chief of hospitals and municipal health officers are advised to conduct ‘Enhanced Vaccination Roll Out’ primarily focusing 100% target to senior citizens in order for the province to reach the level 1 status on COVID-19 Alert Level,” ito ang nilalaman Memorandum Order No. 98 ni Suarez na ipinalabas niya noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Suarez, nakausap niya si Health Secretary Francisco Duque III at kanyang itinanong kung bakit hindi nakasama ang lalawigan sa mga lugar na inilagay sa Alert Level 1 simula noong Marso 1.

“At yun nga. Kailangan nating magsagawa pa ng mga pagbabakuna upang makatugon tayo sa hinihinging kondisyones para mailagay sa Alert Level 1,” ang paliwanag ng gobernador.

Maraming COVID cases 

Optimisko ang gobernador na maaabot ng lalawigan ang hinihinging bilang ng mga bakunado bago magpalabas ang IATF ng kasunod na listahan ng mga lugar na may bagong quarantine levels

“Marami tayong COVID-19 vaccines at may isa pa tayong bagong refrigerated van na makakatulong sa pagdadala ng mga bakuna sa iba’t ibang parte ng probinsya,” ang sabi ni Suarez.

Noong nakaraang linggo ay nagbigay ang Quezon Power Philippines Limited, owner/operator ng power plant sa bayan ng Mauban, ng isang bagong refrigerated van na makatutulong sa transportasyon ng mga bakuna sa apat na sulok ng lalawigan.

Nananawagan si Suarez sa mga residente ng lalawigan na wala pang bakuna na kagyat na magpaturok nito para sa kanilang kaligtasan laban sa COVID-19.

“Walang dapat ikatakot. Ang bakuna ay makapagbibigay ng proteksyon sa sino mang matuturukan para makabalik na tayo sa normal na buhay kagaya noong wala pang pandemya,” ang pagbibigay-diin ni Suarez. (NILOU DEL CARMEN)

171

Related posts

Leave a Comment