POSIBLENG mapasimulan na umano ang paglulunsad ng COVID-19 vaccination sa susunod na taon, ayon sa National Task Force Against COVID-19.
Ayon kay NTF COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. ng OPAP, kung masusunod ang timeline at walang magiging sagabal sa programa, ang pinakamaagang petsa na mapasisimulan ang inoculation ng COVID-19 vaccines sa publiko ay sa buwan ng Mayo sa susunod na taon.
Subalit dahil maraming proseso pa ang kailangang plantsahin bukod sa maaring maging sagabal sa procurement, delivery at storage ay posibleng maisakatuparan ang pagbabakuna bago magtapos ang susunod na taon.
Si Sec. Galvez ay hinirang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang COVID-19 vaccine czar para pamunuan ang pag-angkat at distribution program, ng vaccine.
Sa isang panayam, inihayag ni Galvez na base sa kanyang inilalatag na time table, ang Pilipinas ay magsasagawa ng advance procurement sa bansang kukunan o bibilhan ng vaccine sa loob ng unang quarter ng taon.
Subalit, nilinaw nito na nakadepende ang inoculation program sa financing, development at approval ng vaccines.
“If everything will go well, ang mangyayari po is earliest is May,” pahayag nito sa ANC’s Headstart nang tanungin hinggil sa vaccination timeline.
Pero kung magkakaroon umano ng sagabal sa supply and demand, maaring mapasimulan ang programa sa pagtatapos ng 2021.
Dinepensahan ng Department of Health (DOH) ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Sec. Carlito Galvez bilang vaccine czar.
Ayon sa DOH, ang appointment ni Secretary Carlito Galvez Jr. bilang “vaccine czar” ay hindi lilikha ng anomang pagbabago sa pinaiiral na regulatory processes ng gobyerno para sa COVID-19 vaccine. (JESSE KABEL)
278 