UMABOT na sa 700 ang COVID-19 death toll sa Malabon City matapos na tig-isang pasyente sa mga barangay ng Baritan at Catmon ang binawian ng buhay noong Enero 28.
Ayon sa City Health Department, 30 ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing araw mula sa Barangays Catmon (3), Ibaba (2), Longos (6), San Agustin (2), Tañong (3), Tonsuya (7), at Tugatog (7). Sa kabuuan ay 25,059 ang positive cases sa siyudad, 152 dito ang active cases.
Habang 35 ang bilang ng mga gumaling mula sa Barangays Catmon (2), Concepcion (2), Dampalit (1), Flores (2), Ibaba (1), Longos (4), Niugan (4), San Agustin (3), Tañong (1), Tonsuya (10), at Tugatog (5). Sa kabuuan ay 24,207 ang recovered patients ng lungsod.
Isa namang COVID patient ang binawian ng buhay sa Navotas City noong Enero 27, habang 231 ang active cases matapos na 28 ang mahawa at 18 lamang ang gumaling.
Pumalo na sa 20,924 ang mga tinamaan ng COVID sa fishing capital at sa nasabing bilang ay 20,068 na ang gumaling at 625 ang namatay.
Samantala, simula Lunes, Enero 31, 2022, muli nang bubuksan ang City Social Welfare and Development Office sa 3S Center Karuhatan, Valenzuela City.
Nagpaalala ang pamahalaang lungsod sa mga nais pumunta na siguruhing nasusunod ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa. (ALAIN AJERO)
