CRAME UNANG NAKAALAM NG BBM ‘KILL PLOT’

bbm

BAGO pa man lumutang ang napaulat na planong pagpaslang kay dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, nakatanggap na ng timbre ang Office of Cybercrime (OCC) ng Philippine National Police – Office kaugnay ng nagbabadyang panganib sa buhay ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Pagtatapat ni PNP chief General Dionardo Carlos, sila mismo ang nagpabatid kay Marcos sa planong pagpatay sa kanya, kasabay ng paghimok na dumulog sa PNP para sa angkop na proteksyon.

Agad namang nakipag-ugnayan sa PNP ang kampo ng dating senador, na nagsilbing hudyat sa pambansang pulisya para maglunsad ng sariling imbestigasyon sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng grupo o tao at motibo sa likod ng maitim na balak laban sa aspiranteng pambato ng BBM-Sara Uniteam para sa susunod na Pangulo.

Giit ni Carlos, karapatan ng sinomang kandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo ang dumulog sa kanilang hanay sakaling makaramdam ng peligrong kanila naman aniyang isasailalim sa masusing threat validation para maiwasan ang panganib sa buhay ng kandidato.

Pumutok kamakailan ang isang balitang kaugnay ng isang social media post sa Tiktok digital platform kung saan may isang socmed post na nagsasabing – “We are meeting everyday to plan for BBM’s assassination. Get ready.”

Agad namang nakipag-ugnayan ang Department of Justice (DOJ) Cybercrime Group sa Law Enforcement Outreach Trust and Safety ng Tiktok para hiniling sa naturang social media platform para sa pag-iingat ng mga datos kaugnay ng account ng netizen na nag-upload ng nasabing post, habang inihahanda pa ng pamahalaan ang prosesong legal para sa anila’y karampatang disclosure.

Ayon kay Atty. Charito Zamora na tumatayong hepe ng DOJ cybercrime group, tinatrabaho na ngayon ng tanggapan ni Kerri Woods ng Tiktok Law Enforcement Outreach ang kanilang pormal na kahilingan para magamit sa imbestigasyong bukod na isinusulong ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa ilalim mismo ng pangangasiwa ng DOJ.

Pagtitiyak ng PNP chief, walang bahid pulitika ang kanilang sariling imbestigasyon at hindi kailanman kayang impluwensiyahan ng pulitika, lalo pa’t may papalapit na halalan.

Samantala, tumanggi munang maglabas ng iba pang detalye si Justice Secretary Menardo Guevarra, kaugnay ng isinasagawang pagsisiyasat ng PNP, DOJ at NBI.
Katwiran ng Kalihim, may mga protocols na sinusunod ang mga law enforcement agencies sa mga imbestigasyong may kalakip na security issues. (JESSE KABEL)

170

Related posts

Leave a Comment