CREDIT GRABBER

NAPAPANSIN ko na kapag panahon ng eleksyon, ang daming pulitiko na credit grabber para ipakita marahil sa taumbayan na meron silang nagawa kaya dapat iboto uli sila.

Kung napapansin n’yo, may mga reeleksyunista na ipinangangalandakan sa kanilang political ads na kesyo sila ang gumawa ng batas na ganito, batas na ganyan para ipakita na may accomplishment sila.

Parang sila lang ang nagtrabaho at hindi binigyan ng kredito ang mga kasamahan nila sa Kongreso na nagkaroon ng malaking bahagi at papel kung bakit naging batas ang isang panukala.

Para sa kaalaman ng lahat, hindi lang gawa ng isang senador o congressman ang isang batas kundi pinagtulungang ipasa ‘yan ng buong miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Merong kokontra pero iilan lang at dahil mas marami ang bumoto ng pabor sa isang panukala, naipapasa ‘yan pero kung mas marami ang hindi pabor, sa archive division ‘yan itatambak.

Dahil bicameral ang sistema ng paggawa ng batas, hindi magiging batas ang isang panukala na ipinasa sa Kamara kung walang counter bill na maipasa sa Senado o vice versa.

Kailangang may kahalintulad na panukala ang naihain ni Senador sa Kamara dahil kahit maipasa sa kanilang kapulungan ang kanyang panukala kung walang congressman na makaisip sa kanyang naisip ay walang mangyayari.

Ibig sabihin, may papel sina congressman sa isang panukala na naging batas dahil may naipasang countermeasures ang mga senador at dumaan pa ‘yan sa ­bicameral conference na binubuo ng mga appointed member mula sa Senado at Kamara.

Bago ‘yan, ipapasa muna ‘yan sa committee level na may mga chairman at miyembro bago dalhin sa plenaryo para pagbotohan ng buong miyembro ng kapulungan at kung hindi type ni chairman o ng Speaker of the House at Senate President ang isang panukala, mababaon ang panukalang ‘yan sa archive.

Kaya concerted efforts ng mga senador at congressmen ang isang panukala kahit ang naghain o nagpanukala ay isang mambabatas lang kaya hindi dapat angkinin ni Congressman o ni Senador ang isang panukala.

Pero kung angkinin ni re-electionist senator o reelectionist congressman ang kredito ay parang sila lang ang naghirap at hindi binigyan ng kredito ang mga kasamahan lalo na ang chairman ng komite na nagpasa at nagdepensa sa kanyang panukala.

Okey lang siguro na sabihin na siya ang nagpanukala sa batas na ‘yan pero dapat bigyan din niya ng kredito ang naghain ng kahalintulad na panukala sa kabilang kapulungan.

Kaso hindi ko ‘yun ­naririnig sa kanilang mga political advertisement. Inaangkin nila ng buong-buo ang isang batas lalo na kung ito ay maayos na naipapa­tupad at napapakinabangan ng taumbayan.

Parang ipinapalabas nila na sila lang ang nagtrabaho at kung wala sila, hindi ‘yan magiging batas kaya dapat tayong magpasalamat sa kanila at kailangan nating iboto ulit sila…. ganun ba ‘yun?

At ang napapansin ko pa ha, walang reelectionist solons ang nagsasabi na sila ay ang nasa likod ng mga batas na nagpapahirap sa mga tao tulad ng mga karagdagang buwis.

188

Related posts

Leave a Comment