CREMATION PARA IWAS OTOPSIYA

MAY nakita nang solusyong akmang pang-iwas sa marami pang tanong kaugnay ng nilikidang mga target ng gobyerno – ang pagsunog ng bangkay sa paraang cremation.

Ilang araw makaraang mapatay sa umano’y engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga tinaguriang komunistang terorista, hiniling ng mga kaanak nina Jorge Madlos alyas Ka Oris at Eighfel dela Peña alyas Ka Pika na kapwa pinaniniwalaang nilikida, ang isang otopsiya sa hinalang summary execution ang naganap sa bayan ng Impasugong sa lalawigan ng Bukidnon.

Giit kasi ng mga sundalo, tinamaan sa umaatikabong sagupaan kaya namatay ang 71-anyos na lider komunista.

Ang siste, wala nang bangkay na maaari pang isailalim sa masusing otopsiyang dapat sana’y magbibigay linaw sa agam-agam ng mga kaanak ng napaslang na Ka Oris at Ka Pika.

Ayon mismo kay Major General Romeo Brawner na tumatayong Commander ng 4th Infantry (Diamond) Division, Nobyembre 3 pa nang kanilang isalin ang kostudiya ng bangkay ng mga pumanaw na target sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Impasugong.

Giit pa ng heneral, kapwa nagpositibo sa COVID-19 ang mga bangkay ng dalawang lider komunista makaraang isailalim umano sa Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR).

Cremation agad bago pa magkaroon ng otopsiya, mahusay ang ipinamalas ng mga armadong pwersa ng gobyerno, sa hangaring makaiwas sa panibagong bulilyasong tulad ng kinakaharap ng Pangulo, ni Bato at iba pa kaugnay ng madugong drug war mula 2016 nang sila’y umupo sa pwesto.

Sa puntong ito natatapos ang yugto ng panawagang katarungan ng mga pamilyang nagluluksa sa pagkamatay ng dalawang target ng gobyernong desididong wakasan ang karir ng mga komunista.

Dito na rin marahil magwawakas ang ­paghahanap ng katotohanan sa likod ng kwentong sagupaan.

Kung ganyan sana ang diskarte ng tropang tokhang, hindi sana sila ngayon kinakabahan.

113

Related posts

Leave a Comment