CRIMINAL ACTIVITIES NG CHINESE MAFIA MAY KASABWAT NA PINOY

HINDI lamang ang mga Chinese national na bahagi ng Chinese mafia ang pananagutin kundi ang mga Pilipino na kasabwat o tumulong sa mga ito para maisakatuparan ang kanilang criminal activities.

Ito ang nabatid kay House committee on dangerous drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, namumuno sa Quad-Committee sa Kamara para imbestigahan ang koneksyon ng Illegal drug trade, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at extra-judicial killings.

Sinabi ng mambabatas na well-organized ang Chinese mafia na nag-ooperate sa bansa at nagtagumpay umano ng mga ito dahil sa kanilang mga kasabwat na mga Pilipino kaya dapat panagutin din aniya ang mga ito.

Ayon sa mambabatas, nagsimula ang Chinese mafia sa pag-aangkat ng ilegal na droga sa bansa at upang maging lehitimo ang drug money ay kailangan nila itong hugasan kaya nagkaroon ng POGO.

“Bukod sa droga, ang sindikatong ito ay nakapag pasok din ng bilyun- bilyong pera na galing sa masamang gawain na kanila namang ipinapasok sa mga casinos at POGOs upang linisin at kunwari napanalunan sa sugal,” ani Barbers.

Nagamit din umano ng Chinese mafia ang kanilang pera para suhulan ang mga Pilipino kaya nagkaroon ang mga ito ng birth certificate na siyang ginamit ng mga ito para mamakyaw ng lupa at magtayo ng negosyo.

“Hindi mangyayari ang lahat nang ito kung hindi tinulungan at nakipag-sabwatan ang ibang kawani ng pamahalaang lokal upang mapasa-kamay ng mga dayuhan ang mga pag aaring ito (negosyo at mga lupain),” paliwanag ni Barbers.

Dahil dito, determinado umano ang Quad-Comm na kailangang panagutin din ang lahat ng Pinoy na mapapatunayang tumulong sa mga Chinese nationals na ito para maisagawa ang kanilang criminal activities sa Pilipinas. (BERNARD TAGUINOD)

165

Related posts

Leave a Comment