BALITANG NBA Ni VT ROMANO
NAGTALA si Stephen Curry ng 27 points at naging unang player ng Warriors franchise history na nakapaglista ng 5,000 assists, nang akayin ang Golden State sa 3-0, sa Sacramento.
Tinalo ng Warriors ang Kings, 119-107, sa pangunguna ni Curry, may 10 assists at seven rebounds. Ang two-time MVP ay umiskor ng hanggang 20 points at may 10 rebounds sa unang dalawang laro ng Warriors.
Tumulong din si Jordan Poole, 22 points, habang si Draymond Green ay nagdagdag ng 14 points, six rebounds at seven assists.
Top scorer para sa Kings si Harrison Barnes, 24 points, at nagsumite naman si Richaun Holmes ng 16 points at 11 rebounds para sa 1-2 win-loss record ng Sacramento.
Sa harap ng Golden 1 Center crowd, nahaluan ng Golden State fans, malamig ang simula ng Warriors at mayroon lamang 36% hanggang sa kalagitnaan ng second quarter, bago bumalikwas sa second half.
Isinara ng Golden State ang third quarter sa 7-2 run, at maaga ring tinakbuhan ang kalaban sa fourth, kung saan ang 3-pointer ni Otto Porter Jr. ang naglagay sa Warriors sa unahan at sinundan pa ni Andrew Wiggins ng isa mula sa perimeter tungo sa 100-96 count.
Dalawang magkasunod na tres ang kinana ni Buddy Hield para maidikit ang Sacramento, 107-104, ngunit nai-shoot ni Poole ang dalawa niyang free throws at umiskor pa ng dalawa si Green.
Magtutungo ang Warriors sa Oklahoma City sa Miyerkoles (Manila time) para sa game kontra Thunder. Phoenix naman ang sunod na haharapin ng Kings sa Huwebes (Manila time).
KD, NETS GINIBA
NG HORNETS
SA unang pagkakataon, nagawang maitala ng Charlotte Hornets ang 3-0 start nang gibain ang Brooklyn Nets, 111-95, sa New York, Lunes (Manila time).
Umiskor si Miles Bridges ng 32 points at nine rebounds, habang si Ish Smith ay kumamada ng 11 ng kanyang 15 points sa fourth quarter para sa Hornets.
Nagsumite si LaMelo Ball ng 18 points, six rebounds at five assists, at tumulong din ang backups ng team sa final quarter. Walo sa 12 puntos ni Cody Martin ay iniskor niya sa final 12 minutes.
Nabalewala ang 38 points ni Kevin Durant para sa Nets, nalaglag sa 1-2. Si James Harden naman ay may 15 points, eight assists at seven rebounds.
Nakakapanlumong home opener din ito sa Brooklyn na tinampukan ng demonstrators sa labas ng arena, sumusuporta kay Nets guard Kyrie Irving at protesta sa New York’s vaccine mandate.
Hindi pinapayagan ng Nets si Irving na lumaro hangga’t hindi ito bakunado laban sa COVID-19, na mandato sa syudad para sa kanilang pro athletes.
Nagawang makapasok ng protesters sa barrier hanggang sa front entrance ng Barclays Center, dahilan para mapilitan ang arena officials na isara ang mga pintuan upang hindi sila makapasok.
Ayon sa spokesperson ng arena: “Only ticketed guests were able to enter the building and the game proceeded according to schedule.”
Wagi ang Hornets sa unang dalawang panalo bunga ng kanilang opensa, sa kanilang team-best 246 points sa dalawang laro. Pero, laban sa Nets, depensa ang ginamit ng Hornets nang ma-outscore ang Nets, 61-37, sa second half.
Angat ng apat, kumamada ang Hornets ng 10-5 run sa pangunguna nina Smith at Martin.
Sunod na sasagupain ng Hornets ang Boston sa Martes. Habang haharapin ng Nets ang Washington.
JA MORANT
KINUYOG NG LAKERS
NAKATIKIM na rin ng panalo ang Los Angeles Lakers at nagawa pang lampasan ni forward Carmelo Anthony si Moses Malone sa ika-9 na puwesto sa NBA’s all-time scoring list, laban sa Memphis Grizzlies, 121-118.
Bago ang laro, nangangailangan si Anthony ng 15 points para ungusan ang total points ni Malone na 27,409. Matapos umiskor ng siyam sa first half, pumasok si Anthony, 4:17 sa third period at humirit ng magkasunod na tres para sa kanyang ika-15 puntos at total 27,423.
Isang legend ang susunod na tatalunin ni Anthony sa puwesto, walang iba kundi si four-time NBA champion Shaquille O’Neal na 1,186 points ang agwat sa kanya.
Para sa 37 anyos na si Anthony, para makahabol kay O’Neal ngayong season, kinakailangan niyang ibuhos ang lahat sa best scoring campaign sapol noong 2017-18, nang magtala siya ng 1,261 points sa kampo ng Oklahoma City Thunder.
Laban sa Memphis, umiskor si Anthony ng 28 points, nagdagdag naman si Anthony Davis ng 22 points at four blocks, habang may 19 points si LeBron James para kubabawan ang 40-point game ni Ja Morant.
Maraming drama sa final minute ng laro, nang ma-foul ni Kent Bazemore si Morant sa 3-point attempt, 2.5 seconds na lang at hinahabol ng Memphis ang 3-point lead ng Lakers.
May tsansa si Morant na itabla ang laro, pero nagmintis sa ikatlo at huling free throw at naitakas ng Lakers ang panalo.
Nakaresbak ang Lakers mula sa magkasunod na talo, habang unang talo naman ng Grizzlies kasunod ng dalawang panalo.
Nagdagdag din si Morant ng 10 assists at may career-best five 3-pointers sa halftime, kung saan may 17 puntos siya, kasama ang apat na 3-pointers.
Bibyahe ang Lakers sa San Antonio, Texas para harapin ang Spurs sa Martes (Miyerkoles sa Manila). Habang tutungo sa Portland ang Memphis kontra naman sa TrailBlazers sa Huwebes (Manila time) para sa ikatlong laro ng four-game trip nito.
