PINATALSIK ng ruling party, Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), si Senador Manny Pacquiao bilang party president at inilagay si Energy Secretary Alfonso Cusi bilang kapalit nito.
“I will live by the oath I took,” ayon kay Cusi, matapos siyang panumpain ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, tumatayong party chairman.
Ang pagkakalagay kay Cusi bilang party president ay matapos ideklarang bakante ang posisyong inuupuan ni Pacquiao.
Si Pacquiao na kasalukuyang nasa Estados Unidos para maghanda sa kanyang title boxing fight laban kay Errol Spence, ay napatalsik naman mula sa kanyang posisyon matapos ang pitong buwan nang manumpa siya bilang PDP-Laban president.
Kinastigo naman ni Pacquiao ang assembly sabay sabing “Kung sa tingin nila Cusi at iba pa na mas importante ang pulitika sa ngayon, bahala na sila. Sa huli, isa lang naman ang tanong na dapat sagutin. Sino ba ang sasamahan ng taong bayan?”
“Nakakalungkot na nakapasok na ang Delta variant sa Pilipinas at kapag hindi maagapan, marami ang maaaring mahawa. Ito dapat ang prioridad ng ating gobyerno,” anito
Ang pagkakasipa kay Pacquiao bilang party president ay matapos pangunahan ng PDP-Laban faction sa pangunguna ni Cusi na buksan ang nominasyon para sa bagong party officials.
Si Cusi ang nag-organisa ng national assembly sa Clark, Pampanga na dinaluhan naman ni Pangulong Duterte.
Gaya ng naunang anunsyo ng Malakanyang, ang buong PDP-Laban elections ay hindi bukas sa media.
“It is an intra-party affair. Does not have to be for public consumption,” ang paliwanag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Tinatayang may 250 voting delegates ang dumalo sa assembly kasama ang ilang PDP-Laban members na kumakatawan sa kani-kanilang konseho,” ayon naman kay PDP-Laban deputy secretary general Melvin Matibag.
“They are entitled to another vote representing their respective councils. For example, a congressman of a district is entitled to a vote and if he is the President of the city council, he votes for that City Council too,” ani Matibag.
Mayroon ding 82 delegates ang virtual na nakiisa sa assembly.
Inaasahan naman na iboboto ng mga party member ang mga sumusunod na posisyon: President, Executive Vice President, Vice Presidents for NCR, Luzon, Visayas, Mindanao, Secretary General, Treasurer, Auditor.
Pipili rin ang mga ito ng tatayong heads ng party committees on Membership, Education, Finance, Legal, Public Information, Livelihood, at Youth Affairs.
Samantala, nanumpa si Pacquiao bilang PDP-Laban President noong Disyembre 2020 kasabay ni House Speaker Lord Allan Velasco na nanumpa naman bilang PDP-Laban Executive Vice President.
Ikakampanya ang mga kapartido
Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte na ikakampanya niya ang kanyang mga kapartido sa PDP-Laban na tatakbo sa Eleksyon 2022.
Sinabi pa nito na magdadala siya ng pera sa pangangampanya.
“Those running for reelection, ikampanya ko kayo. Kayong mga tatakbo, city for city, province for province, ikakampanya ko kayo,” ayon kay Pangulong Duterte.
Samantala, ang mga dumalo naman na PDP-Laban members sa nasabing miting ay nagkaisang nanawagan kay Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise-presidente sa 2022 elections, at hahayaan itong pumili ng kanyang runningmate.
Gayunman, hindi naman kinikilala ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Pacquiao ang nasabing pulong. (CHRISTIAN DALE)
184 