BODY CAMS SA MGA PULIS, DAGDAG PROTEKSYON DIN

NANINDIGAN si Senador Win Gatchalian na dagdag gabay upang matiyak na mapapanatiling maayos na ipinatutupad ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tungkulin ang pagsusuot ng video recording devices kapag nagpapatupad ng search at arrest warrants.

“Bilang pangunahing protektor ng mga sibilyan, kinakailangang matibay at walang pagdududa ang integridad at karakter ng mga kapulisan lalo na sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin,” saad ni Gatchalian.

Ikinalugod ni Gatchalian ang desisyon ng Korte Suprema sa pagpapatupad ng mga panuntunan sa tamang paggamit ng body cameras ng mga pulis sa kanilang mga operasyon.

Isa si Gatchalian sa mga naunang nagpanukala sa Senado na isabatas ito noong pang 2017 kasunod ng pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos sa isang anti-illegal drugs operation ng Caloocan Police.

Ayon sa senador, ang pag-oobliga ng pagsusuot ng body camera ay mainam na kasangkapan upang maging malinaw sa publiko ang pananagutan ng mga pulis sa tuwing magsasagawa sila ng operasyon.

“Anuman ang mai-record ng body camera ay magsisilbing matibay na ebidensya sa aktuwal at tunay na pangyayari sa isang operasyon ng PNP na hindi na kailangan pang umasa sa testimonya ng mga saksi na kailangan pang patunayan kung totoo o hindi,” paliwanag ni Gatchalian.

“Mapoprotektahan na ang publiko sa posibleng maling gawain ng mga pulis at magiging batayan din ito ng kapulisan sa pagtatanggol sa kanilang sarili sakaling akusahan sila ng pagiging abusado. Importante rin ang tulong ng makabagong teknolohiya lalo na kung mapapabuti nito ang pagpapatupad ng batas at pagsisiguro sa kapakanan ng mamamayan,” dagdag pa ng senador.

“Hindi dapat mangibabaw ang impresyon sa publiko ng pagkakaroon ng mga police scalawags sa hanay ng PNP kaya kinakailangan ang ganitong panuntunan. Naniniwala ako na marami sa ating mga kapulisan ang marangal at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin. At sa ganitong pamamaraan, maaaring maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa mga alagad ng batas,” sabi ni Gatchalian. (DANG SAMSON-GARCIA)

190

Related posts

Leave a Comment