(NI BERNARD TAGUINOD)
INAMIN ng Manila Water na hindi pa nareresolba ang problema ng kanilang mga customer sa supply ng tubig dahil hindi pa naibabalik ang 100% supply mula nang magkaproblema noong Marso.
Humarap si Manila Water corporate communications head Jeric Sevilla sa Joint hearing ng House Committees on Government Enterprises and Privatization at Public Works and Highways, kung saan inaprubahan ang mga resolusyon para bumuo ng Technical Working Group (TWG) na gagawa ng masterplan para hindi na maulit ang naranasang water shortage.
Sinabi ni Sevilla na suportado nila ang bubuuing masterplan at inamin nito na nakararanas pa rin ang mga customers ng mga ito ng kakulangan sa supply ng tubig sa kanilang concession area.
“Mahigit 99 percent na yung meron tayong tubig for 8 hours, at least for ground floor level. Yung ground floor level is at 7 psi or pounds per square inch which is the standard ng regulatory office natin,” ani Sevilla.
“In terms of 24 hours, medyo nasa 90 percent na tayo at we are still working very hard para yung 24 hours ay for all our customers ay ma-achieve natin pero this is still contingent or depende sa several factors,” pag-amin pa nito.
Sa ngayon, aniya, ay nakakaproduce ang Manila Water ng 35 hanggang 36 million litro ng tubig kada araw mula sa mga deep wellls matapos kapusin umano ang mga ito ng 150 milyong litro ng tubig subalit naresolba na umano ito dahil nakakuha ang mga ito ng 50 million litro kada mula sa Cardona Water Treatment Plant.
“Finally, another 50 (million litres) , ito yung commitment ng Maynilad for cross-border na sa ngayon nakakukuha na tayo 19 million liters per day. So all in all, even with this contingency plan meron pa rin tayong supply deficit that which we are still working on, pero lahat ng customers natin ngayon sa Manila Water, for at least eight hours meron na rin silang water,” ayon pa kay Servilla.
Dismayado naman si Marikina Rep. Marikina Rep. Bayani Fernando, dahil 20 taon na umano ang nakakaraan ay alam na magkakaroon na ng water shortage subalit hindi ito agad nasolusyunan.
