DA KINALAMPAG SA TUMITINDING GUTOM

NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa Department of Agriculture (DA) na palakasin at pasiglahin ang produksiyon ng lokal na agrikultura upang maibsan ang kagutumang nararanasan ng maraming Filipino.

“Nagugutom ang ating mga mamamayan. Nakababahala ang reyalidad na ito para sa isang bansang agrikultural,” diin ni Poe.

Ipinakita ng pinakahuling survey ukol sa kagutuman ng Social Weather Stations na umakyat ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng gutom sa 4.2 milyon nitong Mayo. Mas mataas ito ng kaunti kumpara sa naitala nitong bilang noong Nobyembre 2020.

Patuloy na lumiliit ang sektor ng magbubukid sa kabila ng bilyong inilalaan ng kagawaran para sa mga programang pang-agrikultura kada taon.

“Krusyal ang liderato sa kagawaran. Kung ito ay nasa kabilang panig ng lokal na magsasaka, mas lalala ang mga hamong kinakaharap ng sektor, lalo na ang gutom,” saad ni Poe.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umurong ang sektor ng agrikultura ng dalawang magkasunod na kwarter, habang bumaba ng 3.8 porsiyento ang produksiyon sa ikaapat na bahagi ng 2020 at bumagsak sa 3.3 porsiyento sa unang yugto ng 2021.

Pinatindi ang pagbagsak ng produksiyon sa agrikultura ng kawalan ng trabaho ng maraming mamamayan. Ayon sa PSA, 3.73  milyon ang walang trabaho nitong Mayo.

“Malinaw na ipinakita ng mahabang pila sa mga community pantry ang kawalan at kakulangan ng pagkain ng ating mga kababayan,” sabi ni Poe.

Mapapalakas ang ani kapag itinaas ang pangtustos sa agrikultural na pangangailangan at maiaangat ang paglago ng sektor. Pero ipinaalala rin ni Poe na dapat bantayan ang paggastos upang matiyak na magagamit nang maayos ang pondo.

Mahalaga ang seguridad sa pagkain at kabuhayan sa paglaban sa gutom sa gitna ng pandemya, aniya.
“Walang puwang ang pagiging kampante, habang natutulog ang ating mga kababayan nang kumakalam ang tiyan,” dagdag ni Poe. (ESTONG REYES)

135

Related posts

Leave a Comment