PAGKATAPOS pangitiin ang 35 natatanging mag-aaral mula sa Delos Reyes Elementary School, pinasadahan naman ng Manila Police District (MPD) ang mga estudyante mula sa isa pang pampublikong paaralan sa Tondo, Maynila.
Sa kalatas ni Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll na tumatayong station commander ng MPD-Moriones Police Station, 10 estudyante mula sa Gen. Gregorio Del Pilar Elementary School ang tumanggap ng kanilang unang buwanang “baon” sa ilalim ng isahang programa sa pagitan ng mga pulis-Moriones kasama ang Rotary Club ng Makati.
Matapos ang simpleng seremonya, binigyang pagkilala rin ni Lorenzo ang mag-asawang Coco at Jescellin Sun na nanguna sa pamamahagi ng “ayuda” sa 10 mag-aaral ng paaralang pinangasiwaan ni Conchita Guiyab bilang Principal ng nasabing eskwelahan sa Tondo, Maynila.
Kabilang naman sa mga dumalo at nakiisa sa unang bugso ng buwanang ayuda sa mga mag-aaral si Captain Allan Rosca na tumatayong hepe ng MPD-Police Community Precinct sa Padre Algue.
Paglilinaw ng Lorenzo, ang naturang inisyatiba ay alinsunod sa programang Seen Appreciated Felt Extraordinary (SAFE) ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Jonnel Estomo at programang M+K+K+K (Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan at Kaunlaran) ni MPD Director Brig. Gen. Andre Perez Dizon. (RENE CRISOSTOMO)
298 