(BERNARD TAGUINOD)
HINDI lang sa eleksyon nangyayari ang dagdag-bawas kundi maging sa Republic Act (RA) 11954 o Maharlika Investment Fund Law ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dahil sa dagdag-bawas ay ‘may tulog’ ang nasabing batas kapag kinuwestiyon na ito sa Korte Suprema, ayon kay Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares.
Inihahanda na ng grupo ng dating kongresista ang kanilang petisyon para kwestiyunin ang constitutionality ng nasabing batas na ipinilit ni Marcos kahit tinututulan ng sambayanang Pilipino.
“Bawal sa Konstitusyon ang dagdag-bawas sa naaprubahan nang panukala. So this is the reason why they did not publicly show the enrolled bill despite requests for a copy—they changed what was officially approved by both Houses of Congress,” ani Colmenares.
Sa ilalim aniya ng Konstitusyon, hindi maaaring baguhin ng mga senador at congressman ang isang panukalang batas na pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa kung hindi ito ibalik sa plenaryo ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Gayunpaman, sa pagbusisi ng dating mambabatas sa pinirmahan ni Marcos, natuklasan nito na nagkaroon ng dagdag-bawas sa orihinal na panukala partikular na ang Section 30, 31 at 58.
Ipinaliwanag ng mambabatas na isiningit sa Section 30 ang mga katagang “professional and technical services” at “honorarium” sa Section 31 para sa benepisyo ng opisyales ng Maharlika Investment Council (MIC) na magpapatakbo o mangangasiwa sa MIF.
“Habang ang maraming empleyado ng gobyerno ay matagal nang humihingi ng dagdag sahod, ang mga fund managers, investment analysts, brokerage services at iba pang espesyal na empleyado ng Maharlika ay lalampas sa limit ng GOCC Act,” ani Colmenares.
Nakasaad din sa Senate Bill 2020 na ang publication sa MIF law ay isusulat sa English at Filipino subalit sa RA 11954 ay tinanggal ang Filipino translation sa Section 58 ng pinirmahang batas.
“Kaya naman nilagay ang requirement na itranslate sa Filipino ang Maharlika, para mas maintindihan ng taong-bayan, tapos tinanggal pa nila. Parang ayaw nilang maintindihan ito ng mamamayan, na siyang pinanggalingan ng Php 500 Billion na ilalagak sa Maharlika. Hindi lang pala prescription ang binago nila sa batas. Marami pa pala,” dagdag pa ni Colmenares.
Sinabi ng dating solon na “ground” ang mga natuklasan nilang dagdag-bawas na posibleng bunga ng viber group amendments sa nasabing batas para maideklarang unconstitutional ito. (BERNARD TAGUINOD)
