PAGKATAO NG KANDIDATO ‘DI PANGAKO GAWING BASEHAN SA PAGBOTO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TATLONG buwan na lang at eleksyon na! Ambilis ng panahon, pero mabagal naman magtrabaho ang mga inihalal na politiko.

Eto na naman sila. Maglulubid ng mga pangako para makopo ang boto ng publiko.

Ang ibang botante ay maagap kapag halalan ang usapan. Ngayon nga, tulad ng dati, nakapili na sila ng iboboto nilang kandidato. Handa na. Iba na ang maliksi.

Pero, sa survey ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na siyam sa 10 botante ay nagsabing susuportahan nila ang mga kandidatong magtagataguyod para sa paglikha ng trabaho, seguridad sa pagkain, mahusay na health care, pantay na pagkamit ng edukasyon, at ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sa Enero 17-20 survey, nabatid na 94 porsyento ng mga respondent ay susuportahan ang mga kandidato na magtataguyod para dumami ang mga oportunidad sa trabaho at pag-unlad ng agrikultura at seguridad sa pagkain.

Ayan, trabaho at pagkain ang gusto ng mga botante na itaguyod ng mga kandidato.

Teka, paano masisiguro na itataguyod ng mga kandidato ang gusto ng mga botante?

Natural na sa mga kampanya ay babaha ang mga pangako.

Likas din na matamis ang dila nila sa kapapramis para masungkit ang tangkilik ng pablik. Pag nakapuwesto na, iba na ang punto.

Best example sa mga pangako na ‘yan: Mag-jetski patungong WPS, P20 kada kilong bigas at ‘yun P10k kada pamilya na hanggang ngayon ay sinisingil kay Cayetano ng mga netizen.

Kaya para sa ‘kin, dapat tingnan ang karakter ng mga kandidato para siguradong hindi sayang ang boto sa walang kuwentang politiko. Nag-iiba kasi ang asal ng ilan kapag nakatikim na sila ng kapangyarihan.

Gawa ng kandidato ang iniispatan, hindi ang pangakong walang katiyakang maisasakatuparan.

Sa kampanya, mahal nila ang masa, pero sariling bulsa na kinakapa ‘pag nahalal.

o0o

Seguridad daw sa pagkain ang gusto ng maraming botante na itaguyod ng mga aspirante sa halalan kaya malamang na hindi palalampasin ng mga lokal na pamahalaan ang bigas na ilalabas ng National Food Authority (NFA) kapag idineklara na ang food security emergency.

Ayon sa Department of Agriculture, nasa mga LGU na kung sila ay may intensyong bumili o talagang bibili para maibenta sa mga konsyumer.

Bukas, inaasahang idideklara ang food security emergency na papayagan ang NFA na ilabas nito ang nakaimbak na bigas, at makabili ng bigas sa mga magsasaka sa darating na anihan.

May paglilinaw ang DA. Maaaring ipatupad lang ang rice emergency sa mga lugar na nakararanas ng matataas na presyo ng bigas.

Aba, saang lugar ba mababa ang presyuhan ng bigas?

‘Yung pinakamababa nga ay mahal pa rin sa mga hikahos, kaso walang magagawa kundi sikaping mabili dahil kailangan ng tiyan.

Sa ilalim ng deklarasyon ng rice emergency, ang imbak na bigas ng NFA ay ibibenta sa mga ahensya ng pamahalaan at mga LGU sa halagang P36 kada kilo. Ipapasa ito sa konsyumer sa presyong P38 kada kilo. Tubo ng P2 kada kilo ang LGU.

Ang siste, hindi maiiwasang magduda ng mga konsyumer kaya kailangan nila ng nakakakumbinsing paliwanag.

Nasanay na kasi ang karamihan na ang bigas galing sa mga opisyal ng pamahalaan ay libre. Ayuda sa madaling usapan.

Ayan, kung hindi maaalis ang duda ng balana ay singilin sila pagdating ng halalan.

9

Related posts

Leave a Comment