IKINATUWA ng Trabaho Party-list na nakamit ng Pilipinas ang isa sa pinakamababang unemployment rate ng bansa, naniniwala ito na dapat pa ring pagtuunan ng pansin ang pagpapataas ng sahod at paghandog ng dagdag benepisyo sa mga manggagawa.
Ito ang reaksyon ni Atty. Filemon Ray L. Javier, tagapagsalita ng Trabaho Party-list, matapos iulat ng isang research institution na ilan sa mga bagong trabaho ay nagpapasahod nang mas mababa sa tinatawag na “national average daily basic pay” o ADBP.
Ayon sa Trabaho Party-list, magandang ulat na may trabaho kahit papaano ang mga manggagawa, ngunit hindi dapat tumigil dito ang pag-unlad.
Aniya, dapat pang isulong ang mataas na kalidad ng trabaho, disenteng sahod at dagdag benepisyo.
Iniulat ng research institution na IBON Foundation na nakamit ng Pilipinas ang isa sa mga all-time-low unemployment rate.
Nasa tamang direksyon naman ang trend na ito dahil ayon sa IBON Foundation ay paangat ang kalidad ng trabaho kumpara sa nakaraang taon.
Ngunit iginiit ng Trabaho Party-list na dapat maisulong sa Kongreso ang mga batas para matugunan ng pansin ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Dahil dito, iginiit ni Atty. Javier na dapat pa ring tutukan ang pagkontrol ng inflation at pagpapaganda ng kalidad ng trabaho, na kabilang sa mga “most urgent national concerns” ng mamamayan.
Kinilala rin ng Trabaho Party-list ang tagumpay ng administrasyon matapos itong makapagdagdag ng halos isang milyong trabaho sa bansa kumpara noong nakaraang taon, partikular sa sektor ng konstruksyon.
199