Damay ang ieendorsong kandidato APPROVAL RATING NI DUTERTE GIBA SA SENADO

(BERNARD TAGUINOD)

AMINADO ang isang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara na apektado ng imbestigasyon ng Senado sa kontrobersya sa Pharmally at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang rating ng pangulo.

Ito ay matapos mistulang isinisi sa nasabing kontrobersya ni DIWA party-list Rep. Michael Aglipay ang pagbagsak ng approval rating ni Duterte.

“I agree one hundred percent,” ani Aglipay, chairman ng House committee on good government and public accountability, nang tanungin kung nakaapekto sa approval rating ng pangulo ang imbestigasyon ng Senado.

Base sa huling survey ng Pulse Asia, nabawasan ng 6 percent ang approval rating ni Duterte dahil mula sa 65% noong Hunyo ay naging 59% na lamang ito noong Setyembre lalo na sa usapin ng pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Bumagsak din ang rating ng pangulo sa laban sa kriminalidad, pagtugon sa kalamidad, pagprotekta sa mga manggagawa, kahirapan, hindi pagkontrol sa presyo ng mga bilihin, pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas at iba pa.

“Kasi design yan (imbestigasyon ng Senado) para yung frontrunner (sa darating na halalan) ay hindi manalo, History is the best judge in what is happening today,” ayon pa sa mambabatas na ang tinutukoy ay ang mga Duterte.

Nagawa na umano ng Senado ang istilong ito noong 2009 nang imbestigahan nila ang double insertions umano sa pondo ng C-5 Road ni dating Sen. Manny Villar na nangunguna sa Presidential race noong 2010.

Naulit aniya ito noong 2015 nang ilunsad naman ng Senado ang kanilang imbestigasyon sa umano’y hacienda ng mga Binay sa Batangas habang nangunguna sa presidential race si dating Vice President Jejomar Binay.

“So eto naman po…ang frontrunner ang pamilyang Duterte, kung sino man ang i-endorse nila. Malaking baba po ng ratings dahil dito sa ginawa ng Blue Ribbon,” ayon pa sa mambabatas.

Kaugnay nito, tila nasaktan si Aglipay sa binitiwang salita kamakailan ni Senador Richard Gordon na ‘nakipagyakapan na sa demonyo’ ang isa sa mga Pharmally official na si Krizle Grace Mago.

“Hindi naman siguro kami demonyo dyan (sa Congress),” ani Aglipay.

“Hindi namin personal, trabaho lang. Pero kung tatawagin kaming kampon ni Satanas, hindi ko alam kasi never naman namin silang tinawag na kampon ni satanas,” ayon pa kay Aglipay.

Ngunit sa pananalita ng mambabatas ay mistulang inamin nito na kaya nila sinabayan ang imbestigasyon ng Senado sa Pharmally ay dahil isinasabit na ng mga senador si Pangulong Rodrigo Duterte.

179

Related posts

Leave a Comment