DAPAT MAY MANAGOT SA PAGBAGSAK NG CABAGAN-STA. MARIA BRIDGE

At Your Service ni Ka Francis

HINDI dapat palagpasin ng mga kinauukulan ang nangyaring pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela kamakailan.

Walang maniniwala sa mga Pilipino na walang kumita sa pagkakagawa ng tulay na ito, hindi pa nga umaabot ng isang taong ginagamit ay bumagsak na.

Kung hindi tinipid ang pagkakagawa nito ay hindi basta-bastang babagsak ito.

Si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na mismo ang nagsabi nang magtungo siya nang personal sa pinangyarihan ng pagbagsak ng tulay, nakita niya kung gaanong kaliliit ang ginamit na mga bakal, parang steel bar lang.

Sabi niya, ang pagkakaalam niya ang mga ganitong klaseng tulay ang ginagamit dapat ay kable na tinatawag na suspension bridge.

Ang orihinal daw na budget ng tulay ay P1.8 billion, subalit naging P1.2 billion na lang na nagpapatunay na tinipid ang pagkakagawa nito.

Kasama ni PBBM na nagtungo sa Sta. Maria-Cabagan Bridge ay si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, sino kaya sa mga taga-DPWH ang sisibakin ng Pangulo?

Hindi pwedeng walang managot sa kapalpakang ito, buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay rito.

Gusto ata ng mga ito na igaya ang paggawa ng tulay sa mga paglalagay ng aspalto sa mga kalsada na wala pang isang taon ang nakalilipas ay nababaklas na, lalo na kapag madalas ang pag-ulan sa mga lugar na may aspalto.

Sa paglalagay ng mga aspalto sa mga kalsada ay hindi masyadong malaking problema dahil hindi babagsak ang mga sasakyan dito, hindi katulad ng mga tulay, kapag mahina ang pagkakagawa nito ay babagsak at posibleng magdulot ng malagim na aksidente sa mga motorista na daraan.

Buti na lang kamo, walang namatay sa pagbagsak ng tulay na ito na sakay ng mga sasakyan na nadamay sa pangyayari.

Paano kaya kung nagkataon na pinasinayaan nina PBBM at DPWH Sec. Bonoan ang tulay na ito at bumagsak? Ano kaya ang magiging reaksyon nila?

Parang may ganitong pangyayari sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino, na nag-inspeksyon sila sa isang tulay na kahoy na nagkataong bumigay at sabay-sabay silang bumagsak sa tubig.

Hindi mapasisinungalingan na ampaw ang pagkakagawa ng Cabagan-Sta. Maria Bridge dahil wala pa ngang isang buwan na ginagamit, matapos na buksan ito noong Pebrero 1, ay bumagsak na noong Pebrero 27, 2025.

Ang daming mga tulay na deka-dekada nang ginawa, hanggang ngayon ay nagagamit pa rin ng mga motorista, tulad ‘yang San Juanico Bridge sa Tacloban, Leyte, ito ay nananatiling nakatayo at hindi bumabagsak.

Dapat magkaroon ng leksyon ang mga nagkasala, mabigyan ng parusa nang hindi sila pamarisan ng iba.

o0o

Binabati pala natin ang “BODEGA SALE, BAGSAK PRESYO” ng FC Scrap Trading, sa kanilang 1 monthsary, noong nakaraang Marso 8, 2025, binuksan ito noong Pebrero 8, 2025.

Maraming iba’t ibang kagamitan sa bahay na mabibili sa nasabing “BODEGA SALE, BAGSAK PRESYO” na mura na, mga dekalidad pa!

Para sa mga interesado ay maaari n’yo silang bisitahin sa kanilang address na matatagpuan sa 516 Dulalia St., Brgy. Lingunan, Valenzuela City.

o0o

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.

6

Related posts

Leave a Comment