(NI MITZI YU)
HINILING ng mga election officer sa Daraga at Cotobato City na isailalim ang nasabing mga lugar sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) para mabantayan ito laban sa posible pang mga kaso ng karahasan habang papalapit ang eleksyon sa Mayo 13.
Sa kanyang pagdalo sa tri-agency conference sa pagitan ng Comelec, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Crame Huwebes ng hapon, tiniyak naman ni Comelec chair Sheriff Abas na kabilang ang nasabing rekomendasyon sa mga isyung tatalakayin ng en banc.
Ito’y kasunod ng nangyaring pagsabog sa harap ng South Seas Mall sa Cotabato City noong Disyembre 31, 2018 at ang pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at kanyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz noong Disyembre 22.
Dalawa ang namatay habang 34 naman ang nasugatan sa pagsabog sa South Seas Mall.
Binaril at napatay naman si Batocabe at aide niyang si Diaz habang dumadalo ang una sa isang gift-giving event sa Daraga City sa Albay.
Kumbinsido ang pulisya na may kaugnayan sa pulitika ang pagpaslang kay Batocabe dahil lumilitaw na malakas ang laban nito bilang kandidato sa pagka-alkalde ng Daraga kontra kay incumbent Mayor Carlwyn Baldo — na itinuturong mastermind umano ng krimen.
Samantala, ipinaliwanag ni Abas babantayan at bibigyan ng mahigpit na seguridad ng isang task force ang mga lugar na isinaisalim sa kontrol ng komisyon.
Pamumunuan ito ng isa sa mga commissioner ng poll body, kasama ang regional commander ng AFP at PNP.
229