POSIBLENG hindi agad mapakinabangan ng may 18 milyong pamilyang Filipino ang P5,000 hanggang P8,000 na ayuda ng gobyerno sa gitna ng Enhanced Community Quarantine dahil sa red tape sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ang babala ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil inaantay pa umano ng DSWD na mabuo ang data base ng 18 milyong pamilya mula sa lahat ng barangay bago iimprenta ang cash card na ipamamahagi.
“Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Pasimplehin na natin ito. Ibigay na nang buo ang P8,000 sa 18 milyong pamilyang nangangailangan ng kagyat na ayuda,” ani Brosas.
Sinabi ng mambabatas na kailangan na kailangan ng mga tao ang nasabing tulong kaya dapat isantabi ang red tape.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, binigyan ng Kongreso ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na
gamitin ang P275 Billion na nakalinya na sa ibang proyekto at programa, para sa kampanya laban sa COVID-19.
Sa nasabing halaga, P200 Billion dito ang ipamamahagi sa may 18 milyong pamilya kung saan makatatanggap ang mga ito ng P5,000 hanggang P8,000 bilang tulong habang walang hanapbuhay ang mga ito.
IWASAN ANG RED
TAPE – MARCOS
Samantala, umapela rin si Senador Imee Marcos na isasantabi ang red tape ngayong may kalamidad na epekto ng coronavirus o COVID-19.
Ayon kay Marcos, kung magluluwag lang ang pamahalaan sa usapin ng red tape, nakatitiyak na ang problema sa mkakapusan sa personal protective equipment o PPE at iba pang gamit medical ng mga frontliner ay mabilis na matutugunan.
Kasabay ito ng panawagan niya sa Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) na madaliin ang pag-apruba ng PPE prototype na sinumite ng garment export industry na may 300,000 mangagawa para makatugon sa kakulangan ng nasabing supply na ngayon ay dinaranas ng buong mundo.
Ayon kay Marcos, ang agarang pag-apruba sa PPE prototype ay magdudulot ng trabaho sa garment industry sa Taytay, Rizal at mabibigyan din ng pag-asa para kumita ang mga mananahi sa Cavite at iba pang garment producing communities sa bansa. BERNARD TAGUINOD, NOEL ABUEL
174
