Para matulungan ang mga farmer -solon RELIEF PACKS SAMAHAN NG PRUTAS, GULAY

NAIS ng isang mambabatas na isama sa relief packs na ipinamamahagi ng mga local government unit ang ani ng mga magsasaka upang matulungan ang mga ito ngayong dumaranas ng krisis ang bansa dulot ng epekto ng COVID-19.

“Kailangan ding itahi ang LGUs sa mismong mga farmers groups. Isama sa social welfare programs at relief packs nila ang bigas, gulay, at prutas na mula sa ating mga magsasaka. Isa itong paraan para masigurong hindi nasasayang ang tone-toneladang produkto, at mabigyan ng masustansiyang pagkain ang mahihirap nating kababayan,” ani Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat.

Kasabay nito, nagpahayag ng panghihinayang ang mambabatas dahil sa nasasayang na ani ng mga magsasaka sa lalawigan gayung sa Kamaynilaan ay kulang sa suplay kaya tumaas ang presyo ng mga gulay, prutas at iba pang bilihin ngayong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).

“Malaki ang itinaas ng presyo ng prutas, gulay, at iba pang essential goods sa mga palengke at groceries.

Kasabay nito ang tone-toneladang ani ng gulay na nasasayang sa mga trading posts dahil hindi madala sa mga palengke sa bansa,” ani Cabatbat.

Marami din aniyang mga bigasan sa kalakhang Maynila ang hindi na nagbukas dahil wala nang suplay na maibenta kaya kinalampag ng mambabatas ang Department of Agriculture (DA) dahil dito.

Humingi aniya ang DA ng P32 Billion mula sa supplemental budget na ipinasa ng Kongreso sa kanilang special session noong Marso 23, 2020 para gamitin umano sa pagbili ng mga imported na bigas.

“Ang ganitong kalaking pondo ay dapat napupunta sa ating mga magsasaka, hindi sa mga banyaga. Hindi magsasaka ng Vietnam o ng Thailand kundi magsasakang Pilipino ang makakapaniguradong hindi tayo magugutom sa panahong  ito,” ani Cabatbat. BERNARD TAGUINOD

339

Related posts

Leave a Comment