Database kontrolado ng dayuhan DATOS NG MOTORISTA NANGANGANIB – LTO

NABABAHALA ang Land Transportation Office (LTO) sa House Committee on Transportation na maaaring malagay sa panganib ang personal na impormasyon ng milyun-milyong lisensyadong motorista at mga may-ari ng sasakyan dahil hindi pa rin umano ganap na kontrolado ng ahensya ang pangunahing database system nito.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni LTO Executive Director Atty. Martin P. Ontog na lumabas sa isinagawang imbestigasyon sa nationwide outage ng Land Transportation Management System (LTMS) noong Hunyo 3 na may naitalang login activity noong Hunyo 2 gamit ang account na iniuugnay sa dayuhang vendor, ilang linggo matapos mapaso ang maintenance contract nito noong Mayo 13, 2026.

Ayon kay Ontog, nakita rin sa firewall logs ang paulit-ulit na pagtatangkang kumonekta sa sistema gamit ang isang VPN account na naka-geolocate sa Metro Manila.

Nang iulat ito ng LTO sa Cybersecurity Bureau ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kinumpirma umano ng mga technical personnel na ang vendor pa rin ang may kontrol sa firewall ng LTMS, habang limitado lamang sa pagtingin ng datos at hindi sa pangangasiwa ng back-end database ang access ng LTO.

Dahil dito, sinabi ng LTO na agad nitong dinisable ang mga natukoy na account, habang inirekomenda ng Management Information Division ang agarang pagpapalit ng firewall upang tuluyang mapunta sa pamahalaan ang buong kontrol sa sistema.

Ibinunyag din ng LTO na anim na magkakahiwalay na outage o matinding pagbagal ng LTMS ang naitala sa loob lamang ng pitong linggo—Hunyo 3, Hunyo 22, Hulyo 4 hanggang 10, Hulyo 16 hanggang 17, Hulyo 20, at Hulyo 21 hanggang 22.

Ayon sa ahensya, tila naging normal na kondisyon ng sistema ang madalas na aberya sa halip na paminsan-minsang insidente.

Sinabi rin ng LTO na ang unang nationwide outage ay nangyari isang araw matapos ipatigil ng Office of the Ombudsman ang paggamit ng hiwalay na backup platform ng ahensya na matagal nang nagsisilbing alternatibong sistema ng LTO.

Inamin din ng LTO sa Kongreso na wala itong nakalaang budget para sa cybersecurity ng LTMS, wala ring umiiral na kontrata para sa cloud infrastructure nito, gayundin sa monitoring, penetration testing, at agarang pagtugon sakaling magkaroon ng data breach.

Dagdag pa ng ahensya, mismong kinatawan umano ng vendor ang nagsabi sa pagdinig ng Kamara noong Pebrero na kailangan pa ng karagdagang P2 bilyon hanggang P2.5 bilyon upang maging ligtas ang LTMS laban sa cyber threats.

Sinabi naman ni Ontog na kung makompromiso ang LTMS at kumalat ang personal na impormasyon ng milyun-milyong Pilipino, hindi dapat awtomatikong sisihin ang LTO dahil wala umano itong ganap na kontrol sa sistemang dapat nitong pinangangasiwaan.

(PAOLO SANTOS)

28

Related posts

Leave a Comment