INIREKOMENDA ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson sa Commission on Audit (COA) na amyendahan at palawakin ang mga patakaran sa pag-audit ng confidential at intelligence funds (CIF) upang higit na mapalakas ang pananagutan sa paggamit ng mga ito.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, sinabi ni Lacson na dapat repasuhin ang Joint Circular No. 2015-01 na sinusunod sa paglalabas, paggamit at pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Ipinaliwanag ng senador na may mga pagkakataong ginagamit ang aliases sa confidential at intelligence operations “for practical reasons” at nalalaman lamang ang tunay na pagkakakilanlan ng mga ito kapag na-declassify na o natapos na ang operasyon.
Gayunman, sinabi ni Lacson na tila kulang ang audit ng COA matapos aminin ni COA Auditor Roderick Wamil na hindi na nila inaalam ang tunay na pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng aliases dahil compliance audit lamang ang kanilang isinasagawa at limitado sa mga probisyon ng joint circular ang kanilang mandato.
Aliases Hindi Tahasang Bawal
Sinabi ng COA na walang tahasang probisyon sa umiiral na regulasyon na nagbabawal sa paggamit ng code names o aliases sa confidential at intelligence funds ng mga ahensya ng gobyerno.
Sa pagdinig, tinanong ni Senator-Judge Bam Aquino si COA Auditor Roderick Wamil kung pinapayagan ang paggamit ng aliases sa pagtanggap ng confidential funds.
Ayon kay Wamil, walang direktang probisyon sa Joint Circular No. 2015-01 na nagbabawal sa paggamit ng aliases o code names.
Aniya, wala rin silang paraan upang matukoy kung alias o tunay na pangalan ang ginamit dahil nakabatay lamang ang kanilang audit sa mga dokumentong isinusumite ng mga ahensya.
Gayunman, iginiit ni Wamil na bagama’t tahimik ang circular sa usapin ng aliases, kinakailangan pa ring totoong pangalan at totoong tao ang nakalagay sa mga dokumentong isinusumite kaugnay ng confidential funds.
Samantala, tinanong naman ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung nagsampa ba ang COA ng kaso kaugnay ng umano’y kahina-hinalang paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ipinaliwanag ni Wamil na maaari lamang magrekomenda ang COA ng paghahain ng kaso sa Office of the Ombudsman kung may final order na hindi sinunod ang isang ahensya.
Gayunman, sinabi niyang wala siyang impormasyon kung may naisampa nang kaso laban sa OVP dahil nailipat na siya sa ibang tanggapan ng COA.
Mga Impormante May Sakit?
Kinuwestiyon ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang paggamit ng mga gamot bilang pabuya sa mga confidential informants ng Office of the Vice President (OVP).
Sa testimonya ni dating COA Auditor Roderick Wamil sa impeachment court, sinabi nitong umabot sa P122 milyon ang halaga ng mga gamot na siningil ng OVP sa ilalim ng intelligence at confidential funds.
Ayon kay Wamil, ito ang unang pagkakataon sa halos sampung taon niyang panunungkulan sa COA Intelligence and Confidential Fund Audit Office (ICFAO) na nakakita siya ng ganitong uri ng paggasta.
Bilang reaksyon, sinabi ni Ortega na tila ipinapakita ng mga dokumento na may sakit ang lahat ng confidential informants na tumanggap ng naturang pabuya.
Sa pagdinig, ipinakita ang isang acknowledgment receipt na nagsasaad na ang kontrobersiyal na si “Mary Grace Piattos” ay tumanggap umano ng P70,000 halaga ng mga gamot bilang reward.
Nang tanungin kung may paliwanag sa mga dokumento kung bakit gamot ang ipinamahagi o kung ano ang sakit ng naturang recipient, sinabi ni Wamil na walang nakasaad na detalye.
Samantala, sinabi ni House prosecution legal spokesperson and counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na nabigo ang OVP na magsumite ng mga kaukulang dokumento kaugnay ng pagbili ng mga gamot.
Aniya, kung tunay na binili ang mga ito bilang reward, dapat ay may mga opisyal na resibo mula sa botika at hindi lamang acknowledgment receipts.
Idinagdag ni Wamil na ang pamamahagi ng medical assistance at pagkain ay hindi kabilang sa mga pinapayagang gastusin sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01 na namamahala sa paggamit, liquidation at pag-audit ng confidential at intelligence funds.
(DANG SAMSON-GARCIA/TINA MENDOZA)
57 