DATING JUSTICE SEC. AGUIRRE, MULING HAHARAP SA SENADO

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

POSIBLENG muling mailagay sa kontrobersiya si dating Justice secretary Vitaliano Aguirre sa napipintong pagharap nito sa pagdinig ng Senado hinggil sa mga kinasangkutang  iregularidad sa Bureau of Corrections (BuCor) partikular sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee chair Richard Gordon na ipatatawag nila sa susunod na pagdinig sa September 19 ang dating kalihim.

Partikular na pagpapaliwanagin si Aguirre kung bakit hindi nasunod sa kanyang panahon sa Department of Justice (DOJ) ang inilabas na Department Order 953 ni dating Secretary Alfredo Benjamin Caguiao hinggil sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

“Kaya ngayon ipapatawag natin, may order na ‘Hoy, Mr. Aguirre, bat di mo sinunod yan? Sangayon ka ba dyan?” saad ni Gordon.

Alinsunod sa Department Order 953, kailangan ng permiso ng Justice Secretary ang bawat pagpapalabas ng preso sa ilalim ng GCTA.

Matatandaang unang nasalang sa Senado hinggil sa kontrobersiya si Aguirre sa isyu ng extortion controversy sa Bureau of Immigration gayundin sa sinasabing pagbibigay ng clearance kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon hinggil sa nakalusot na P6.4 billion  shabu shipment at sa pag-downgrade ng kaso ng mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa.

Posible rin naman anyang paharapin sa pagdinig si dating Justice secretary  at ngayo’y Senador Leila de Lima.

“There is a possibility, (haharap si de Lima). Depende kung ano mangyayari dito. Ayokong maging unfair,” diin ni Gordon.

 

256

Related posts

Leave a Comment