CAVITE – Pinaghahanap ng Cavite police ang isang dating mason ng Sula Gas matapos limasin ang tinatayang P80,000 cash sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Sa pamamagitan ng footage ng closed circuit television (CCTV), nakilala ang suspek na si Antonio Orozco, 28, may live-in partner, tubong Quezon Province, dating mason at stay-in sa Sula Gas barracks sa Brgy. Batong Dalig, Kawit, Cavite.
Ayon sa reklamo ni Wenceslao Kitz Caimol Paredes, 39, isa sa mga stockholder ng Sula Gas, sa Kawit Police Station, base sa footage ng CCTV, pumasok ang suspek sa roof flashing sa likurang bahagi ng Sula Gas Corp, sa pamamagitan ng pagputol dito dakong alas-1:15 noong Linggo ng madaling araw.
Nang nakapasok sa kisame, gumapang ito hanggang sa nakarating sa exhaust ventilation sa tanggapan ng manager at doon naghalungkat at tinangay ang P80,000 cash.
Ini-report ang nasabing insidente sa pulisya dakong alas-3:15 ng hapon noong Lunes.
(SIGFRED ADSUARA)
