PATAY sa pamamaril ang dating alkalde ng Lagayan, Abra habang nakaupo sa harap ng kanilang bahay nitong Martes ng umaga sa Bangued, Abra.
Kinilala ang biktimang si Jendricks Luna, 54-anyos, anak ni dating congresswoman Cecilia Luna, na tumakbong Sangguniang Panlalawigan nitong nagdaang halalan ngunit hindi pinalad.
Ayon sa ulat na nakarating sa Kampo Crame, habang nakaupo ang biktima dakong alas-8:22 ng umaga sa harapan ng kanilang bahay ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng apat ng mga suspek.
Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa hindi pa batid na direksyon.
Kaagad isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit nalagutan ito ng hininga.
Naglunsad naman ng dragnet operation ang mga pulis para mahuli ang mga suspek.
(TOTO NABAJA)
